Numbers 28:16-25
Ang Pista ng Paglampas ng Anghel
(Lev. 23:4-8)
16“Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa ika-14 na araw ng unang buwan. 17Bukas magsisimula ang pitong araw na pista. At sa loob ng pitong araw, huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa. 18Sa unang araw ng pista, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo para sumamba sa Panginoon. 19Maghandog kayo sa Panginoon ng handog na sinusunog na dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang lalaking tupa na isang taong gulang. Kailangan na walang kapintasan ang lahat ng mga ito. 20At sa paghahandog ninyo nito, samahan ninyo ito ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis, anim na kilo sa bawat toro, apat na kilo sa lalaking tupa 21at dalawang kilo sa bawat batang tupa. 22Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis para mapatawad ang inyong mga kasalanan. 23Ialay ninyo ang mga handog na ito bukod pa sa inyong pang-araw-araw na handog na sinusunog tuwing umaga. 24Sa ganitong paraan ninyo ialay itong mga handog sa pamamagitan ng apoy bilang pagkain para sa Panginoon. Gawin ninyo ito bawat araw sa loob ng pitong araw. Ang mabangong samyo ng mga handog na ito ay makalulugod sa Panginoon. Ihandog ninyo ito bukod pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog at sa handog na inumin. 25Sa ikapitong araw, muli kayong magtipon sa pagsamba sa Panginoon. At huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon.
Copyright information for
TglASD