‏ Matthew 5:1-12

Ang mga Mapalad

1Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok at naupo roon. Lumapit sa kanya ang mga tagasunod niya, 2at nagsimula siyang mangaral. Sinabi niya,

3“Mapalad ang mga taong inaaming nagkulang sila sa Dios,
dahil makakasama sila sa kaharian ng Dios.
4Mapalad ang mga naghihinagpis,
dahil aaliwin sila ng Dios.
5Mapalad ang mga mapagpakumbaba,
dahil mamanahin nila ang mundo.
mundo: Ang ibig sabihin, ang bagong mundo sa hinaharap.

6Mapalad ang mga taong ang hangad ay matupad ang kalooban ng Dios,
dahil tutulungan sila ng Dios na matupad iyon.
7Mapalad ang mga maawain,
dahil kaaawaan din sila ng Dios,
8Mapalad ang mga taong may malinis na puso,
dahil makikita nila ang Dios.
9Mapalad ang mga taong nagtataguyod ng kapayapaan,
dahil tatawagin silang mga anak ng Dios.
10Mapalad ang mga dumaranas ng pag-uusig dahil sa pagsunod nila sa kalooban ng Dios,
dahil makakasama sila sa kaharian ng Dios.
11“Mapalad kayo kung dahil sa pagsunod ninyo sa akin ay iniinsulto kayo, inuusig at pinaparatangan ng masama. 12Ganoon din ang ginawa nila sa mga propeta noong una. Kaya magalak kayo dahil malaki ang gantimpala ninyo sa langit.”

Copyright information for TglASD