‏ Matthew 27:15-31

Hinatulan si Jesus ng Kamatayan

(Mar. 15:6-15; Luc. 23:13-25; Juan 18:39–19:16)

15Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, nakaugalian na ng Gobernador na magpalaya ng isang bilanggo na gustong palayain ng mga tao. 16Nang panahong iyon, may isang kilalang bilanggo na ang pangalan ay Barabas. 17Nang magtipon ang mga tao, tinanong sila ni Pilato, “Sino ang gusto ninyong palayain ko? Si Barabas o si Jesus na tinatawag na Cristo?” 18Alam ni Pilato na pagkainggit ang nagtulak sa pamunuan ng mga Judio na dalhin sa kanya si Jesus.

19Habang nakaupo si Pilato sa hukuman, nagpadala ang kanyang asawa ng ganitong mensahe: “Huwag mong pakialaman ang taong iyan na walang kasalanan, sapagkat nabagabag ako nang husto dahil sa panaginip ko tungkol sa kanya.”

20Pero sinulsulan ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio ang mga tao na hilingin kay Pilato na si Barabas ang palayain, at si Jesus ang ipapatay. 21Kaya nagtanong ulit si Pilato sa mga tao, “Sino sa dalawa ang gusto ninyong palayain ko?” Sumigaw sila, “Si Barabas!” 22Nagtanong pa ulit si Pilato, “Ano ngayon ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Cristo?” Sumagot ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” 23Tinanong sila ni Pilato, “Bakit, ano ba ang ginawa niyang kasalanan?” Pero lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” 24Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa dahil nagsisimula nang magkagulo ang mga tao, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao at sinabi, “Wala akong pananagutan sa kamatayan ng taong ito. Kayo ang dapat managot. Malinis ang kamay ko sa bagay na ito.” 25Sumagot ang mga tao, “Kami at ang mga anak namin ang mananagot sa kanyang kamatayan!” 26Pagkatapos, pinalaya ni Pilato si Barabas. Pero si Jesus ay ipinahagupit niya at saka ibinigay sa mga sundalo upang ipako sa krus.

Pinahirapan ng mga Sundalo si Jesus

(Mar. 15:16-20; Juan 19:2-3)

27Dinala ng mga sundalo si Jesus sa loob ng palasyo ng gobernador, at nagtipon ang buong batalyon ng mga sundalo sa paligid niya. 28Hinubaran nila siya at sinuotan ng pulang kapa. 29Gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong sa kanya, at ipinahawak ang tungkod sa kanyang kanang kamay bilang setro
setro: sa Ingles, “scepter,” na sumisimbolo ng kapangyarihan ng isang hari.
niya. Lumuhod sila sa harap niya at pakutyang sinabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!”
30Dinuraan nila si Jesus at kinuha ang tungkod sa kanyang kamay at paulit-ulit nilang inihampas sa kanyang ulo. 31Matapos nilang kutyain si Jesus, hinubad nila sa kanya ang kapa at isinuot muli sa kanya ang damit niya. Pagkatapos, dinala nila siya sa labas ng lungsod upang ipako sa krus.

Copyright information for TglASD