Matthew 26:17-25
Sinabi ni Jesus na Tatraydurin Siya
(Mar. 14:12-22; Luc. 22:7-14, 21-23; Juan 13:21-30)
17Nang dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga tagasunod ni Jesus at nagtanong, “Saan nʼyo po gustong maghanda kami ng hapunan para sa Pista ng Paglampas ng Anghel?” 18Sumagot si Jesus, “Pumunta kayo sa lungsod ng Jerusalem, doon sa taong binanggit ko sa inyo, at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ipinapasabi ng Guro na malapit na ang kanyang oras, at gusto niyang ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa iyong bahay, kasama ang mga tagasunod niya.’ ” 19Sinunod nila ang utos ni Jesus, at inihanda nila roon ang hapunan para sa pista.20Kinagabihan, naghapunan si Jesus at ang 12 tagasunod. 21Habang kumakain sila, sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang isa sa inyo ay magtatraydor sa akin.” 22Nalungkot sila nang marinig iyon, at isa-isa silang nagtanong sa kanya, “Panginoon, hindi po ako iyon, di po ba?” 23Sumagot siya, “Ang kasabay kong sumawsaw ng tinapay sa mangkok ang siyang magtatraydor sa akin. 24Ako na Anak ng Tao ay papatayin ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ngunit nakakaawa ang taong magtatraydor sa akin! Mabuti pang hindi na siya ipinanganak.” 25Nagtanong din si Judas na siyang magtatraydor sa kanya, “Guro, ako po ba iyon?” Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsabi.”
Copyright information for
TglASD