‏ Matthew 22:1-10

Ang Talinghaga tungkol sa Handaan sa Kasal

(Luc. 14:15-24)

1Muling nagsalita sa kanila si Jesus sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, 2“Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang hari na naghanda ng salo-salo para sa kasal ng anak niyang lalaki. 3Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inimbitahan sa kasalan, pero ayaw nilang dumalo. 4Sinugo niya ang iba pang mga alipin upang sabihin sa mga inimbitahan, ‘Handa na ang lahat; nakatay na ang aking mga baka at iba pang pinatabang hayop. Nakahanda na ang pagkain kaya pumunta na kayo rito!’ 5Pero hindi ito pinansin ng mga inimbitahan. Ang ibaʼy pumunta sa bukid nila, at ang ibaʼy sa negosyo nila. 6Ang iba namaʼy sinunggaban ang mga alipin ng hari, hiniya, at pinatay. 7Kaya galit na galit ang hari sa ginawa ng mga ito. Inutusan niya ang kanyang mga sundalo na patayin ang mga pumatay sa kanyang mga alipin at sunugin ang lungsod ng mga ito. 8Pagkatapos, sinabi ng hari sa kanyang mga utusan, ‘Handa na ang salo-salo para sa kasal ng aking anak, pero hindi karapat-dapat ang mga inimbitahan. 9Pumunta na lang kayo sa mga mataong lansangan, at imbitahan ninyo ang lahat ng inyong makita.’ 10Pumunta nga sa mga lansangan ang mga alipin at inimbitahan ang lahat ng nakita nila, masama man o mabuti. Kaya napuno ng bisita ang pinagdarausan ng handaan.
Copyright information for TglASD