Matthew 21:33-46
Ang Talinghaga tungkol sa Masasamang Magsasaka
(Mar. 12:1-12; Luc. 20:9-19)
33 Muling nagsalita si Jesus sa kanila, “Makinig kayo sa isa pang talinghaga: May isang taong may bukid na pinataniman niya ng ubas. Pinabakuran niya ito at nagpagawa ng pisaan ng ubas. Nagtayo rin siya ng isang bantayang tore. At pagkatapos ay pinaupahan niya ang kanyang ubasan sa mga magsasaka at pumunta sa malayong lugar. 34Nang panahon na ng pamimitas ng ubas, pinapunta niya ang kanyang mga alipin sa mga magsasakang umuupa sa ubasan niya para kunin ang kanyang parte. 35Pero sinunggaban ng mga magsasaka ang mga alipin. Binugbog nila ang isa, pinatay ang isa at binato naman ang isa pa. 36Nagsugo ulit ang may-ari ng mas maraming alipin, at ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila. 37Nang bandang huli, pinapunta ng may-ari ang kanyang anak. Ang akala niyaʼy igagalang nila ito. 38Pero nang makita ng mga magsasaka ang anak ng may-ari, sinabi nila, ‘Narito na ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya para mapasaatin ang lupang mamanahin niya.’ 39Kaya sinunggaban nila ang anak, dinala sa labas ng ubasan at pinatay.”40 Pagkatapos, nagtanong si Jesus, “Ano kaya ang gagawin ng may-ari sa mga magsasakang iyon sa kanyang pagbabalik?” 41Sumagot ang mga tao, “Tiyak na papatayin niya ang masasamang taong iyon, at pauupahan niya ang kanyang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay sa kanya ng parte niya sa bawat panahon ng pamimitas.” 42Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang talatang ito sa Kasulatan?
‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong pundasyon. ▼
▼batong pundasyon: sa literal, batong panulukan.
Gawa ito ng Panginoon
at kahanga-hanga ito sa atin!’ ▼
▼Salmo 118:22-23.
43“Kaya tandaan ninyo: hindi na kayo ang paghaharian ng Dios kundi ang mga taong sumusunod sa kanyang kalooban. [ 44Ang sinumang mahulog sa batong ito ay magkakabali-bali, ngunit ang mahulugan nito ay madudurog.]”
45Nang marinig ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo ang talinghagang iyon, alam nilang sila ang tinutukoy ni Jesus. 46Kaya gusto nilang dakpin si Jesus, pero natatakot sila sa mga tao na naniniwalang si Jesus ay isang propeta.
Copyright information for
TglASD