Matthew 21:12-17
Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa Templo
(Mar. 11:15-19; Luc. 19:45-48; Juan 2:13-22)
12Pumunta si Jesus sa templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda at namimili roon. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapating inihahandog sa templo. 13Sinabi niya sa kanila, “Sinasabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Ang bahay ko ay bahay-panalanginan.’ ▼▼Isa. 56:7.
Pero ginawa ninyong pugad ng mga tulisan!” ▼▼Jer. 7:11.
14May mga bulag at pilay na lumapit kay Jesus doon sa templo, at pinagaling niya silang lahat. 15Nagalit ang mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga himalang ginawa ni Jesus, at nang marinig nila ang mga batang sumisigaw doon sa templo ng “Purihin ang Anak ni David!” ▼
▼Anak ni David: Ito ang tawag ng mga Judio sa Mesias o Cristo dahil sa paniniwalang siyaʼy mula sa angkan ni David.
16Sinabi nila kay Jesus, “Naririnig mo ba ang sinasabi nila?” Sumagot si Jesus, “Oo. Hindi ba ninyo nabasa ang sinabi sa Kasulatan na kahit ang maliliit na bata ay tinuruan ng Dios na magpuri sa kanya?” ▼▼Salmo 8:2.
17Pagkatapos, iniwan sila ni Jesus. Lumabas siya ng lungsod at nagpunta sa Betania, at doon siya nagpalipas ng gabi.
Copyright information for
TglASD