‏ Matthew 13:10-17

Ang Layunin ng mga Talinghaga

(Mar. 4:10-12; Luc. 8:9-10)

10Pagkatapos, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at nagtanong, “Bakit po kayo gumagamit ng talinghaga sa pagtuturo sa mga tao?” 11Sumagot si Jesus, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Dios,
Dios: sa literal, langit, ganoon din sa talatang 24, 31, 33, 44, 45, 47 at 52. Tingnan ang “footnote” sa 3:2.
pero hindi ito ipinagkaloob sa iba.
12Sapagkat ang taong sumusunod sa narinig niyang katotohanan ay bibigyan pa ng higit na pang-unawa. Ngunit ang taong hindi sumusunod sa katotohanan, kahit ang kaunti niyang naunawaan ay kukunin pa sa kanya. 13Kaya nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga, dahil tumitingin sila pero hindi nakakakita, at nakikinig pero hindi naman nakakaunawa. 14Sa kanila natupad ang sinabi noon ni Isaias:

‘Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo makakaunawa.
Tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakakita.
15Dahil matigas ang puso ng mga taong ito.
Tinakpan nila ang kanilang mga tainga,
at ipinikit ang kanilang mga mata,
dahil baka makakita sila at makarinig,
at maunawaan nila kung ano ang tama,
at magbalik-loob sila sa akin,
at pagalingin ko sila.’
Isa. 6:9-10.

16Ngunit mapalad kayo, dahil nakakakita kayo at nakakaunawa. 17Sinasabi ko sa inyo ang totoo, maraming propeta at matutuwid na tao noon ang naghangad na makakita at makarinig ng nakikita at naririnig ninyo ngayon, pero hindi ito nangyari sa kanilang panahon.”

Copyright information for TglASD