‏ Matthew 11:2-19

2Nang nasa bilangguan si Juan na tagapagbautismo, narinig niya ang mga ginagawa ni Jesus, kaya inutusan niya ang kanyang mga tagasunod 3upang tanungin si Jesus, “Kayo na po ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba?” 4Sumagot si Jesus sa kanila, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang narinig at nakita ninyo: 5Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga lumpo, gumagaling ang mga may malubhang sakit sa balat, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. 6Mapalad ang taong hindi nagdududa
nagdududa: o, nabigo.
sa akin.”

7Pagkaalis ng mga tagasunod ni Juan, nagtanong si Jesus sa mga tao, “Noong pumunta kayo kay Juan sa ilang, ano ang inaasahan ninyong makita? Isa bang taong tulad ng talahib na humahapay sa ihip ng hangin? 8Pumunta ba kayo roon para makita ang isang taong magara ang pananamit? Ang mga taong magara ang pananamit ay sa palasyo ninyo makikita. 9Pumunta kayo roon para makita ang isang propeta, hindi ba? Totoo, isa nga siyang propeta. At sinasabi ko sa inyo, higit pa siya sa isang propeta. 10Siya ang binabanggit ng Dios sa Kasulatan, ‘Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo.’
Mal. 3:1.
11Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang taong isinilang na mas dakila pa kay Juan. Ngunit mas dakila kaysa sa kanya ang pinakahamak sa mga taong kabilang sa kaharian ng Dios. 12Mula nang mangaral si Juan hanggang ngayon, nagpupumilit ang mga tao na mapabilang sa kaharian ng Dios.
May ibaʼt ibang interpretasyon sa talatang ito.
13Sapagkat bago pa dumating si Juan, ipinahayag na ng lahat ng propeta at ng Kautusan ni Moises ang tungkol sa paghahari ng Dios. 14At kung naniniwala kayo sa mga pahayag nila, si Juan na nga ang Elias na inaasahan ninyong darating. 15Kayong mga nakikinig, dapat ninyo itong pag-isipan!”
sa literal, Ang may tainga ay dapat makinig!


16“Sa anong bagay ko maihahambing ang henerasyong ito? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa na sinasabi sa kanilang kalaro, 17‘Tinugtugan namin kayo ng tugtuging pangkasal,
tugtuging pangkasal: sa literal, plauta.
pero hindi kayo sumayaw! Umawit kami ng awit para sa patay, pero hindi kayo umiyak!’
18Katulad nga nila ang mga tao ngayon, dahil nang dumating dito si Juan, nakita nilang nag-aayuno siya at hindi umiinom ng alak, kaya sinabi nila, ‘Sinasaniban siya ng masamang espiritu.’ 19At nang dumating naman ako, na Anak ng Tao, nakita nilang kumakain ako at umiinom, at sinabi naman nila, ‘Ang taong iyan ay matakaw at lasenggo, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang makasalanan.’ Ganoon pa man, ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Dios ay sumasang-ayon na tama ang ipinapagawa ng Dios sa amin.”
Ganoon pa man … sa amin: o, Ganoon pa man, ang karunungan na ipinangangaral namin ay napatunayang totoo sa buhay ng mga taong tumanggap nito.


Copyright information for TglASD