‏ Mark 7:1-13

Ang mga Tradisyon

(Mat. 15:1-9)

1May mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na dumating galing sa Jerusalem at nagtipon sa paligid ni Jesus. 2Napansin nila na ang ilan sa mga tagasunod ni Jesus ay hindi naghugas ng kamay bago kumain.

3Ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo ay hindi kumakain nang hindi muna naghuhugas ng kamay bilang pagsunod sa tradisyon ng kanilang mga ninuno. 4Hindi rin sila kumakain ng anumang nabili sa palengke nang hindi muna nila ginagawa ang ritwal ng paglilinis.
ritwal ng paglilinis: Maaaring ang nililinis ay ang bagay na nabili o ang taong bumili.
Marami pa silang mga tradisyong tulad nito, gaya ng paghuhugas ng mga kopa, pitsel at lutuang tanso.

5Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sinusunod ng mga tagasunod mo ang mga tradisyon ng ating mga ninuno? Hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain!” 6Sinagot sila ni Jesus, “Tamang-tama ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo na mga pakitang-tao. Ayon sa isinulat niya, sinabi ng Dios na,

‘Iginagalang ako ng mga taong ito sa mga labi lang nila,
ngunit malayo sa akin ang kanilang mga puso.
7Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba sa akin
dahil ang mga itinuturo nila ay mga utos lang ng tao.’
Isa. 29:13.

8Sinusuway ninyo ang utos ng Dios, at ang sinusunod ay mga tradisyon ng tao.”

9Sinabi pa ni Jesus, “Mahusay kayo sa pagpapawalang-bisa sa mga utos ng Dios para masunod ninyo ang inyong mga tradisyon. 10Halimbawa na lang, sinabi ni Moises, ‘Igalang ninyo ang inyong mga magulang,’
Exo. 20:12; Deu. 5:16.
at ‘Ang lumapastangan sa kanyang mga magulang ay dapat patayin.’
Exo. 21:17; Lev. 20:9.
11Pero itinuturo nʼyo naman na kapag sinabi ng isang anak sa mga magulang niya na ang tulong na ibibigay niya sana sa kanila ay Korban (ang ibig sabihin, nakalaan na sa Dios), 12hindi na siya obligadong tumulong pa sa kanila. 13Pinapawalang-halaga ninyo ang utos ng Dios sa pamamagitan ng mga tradisyong minana ninyo sa inyong mga ninuno. At marami pa kayong ginagawa na tulad nito.”

Copyright information for TglASD