‏ Mark 6:14-29

Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo

(Mat. 14:1-12; Luc. 9:7-9)

14Nabalitaan ni Haring Herodes ang tungkol kay Jesus dahil kilalang-kilala na siya kahit saan. May mga nagsasabi, “Siya ay si Juan na tagapagbautismo na muling nabuhay, kaya nakagagawa siya ng mga himala.” 15Ang sabi naman ng iba, “Siya ay si Elias.” At may mga nagsasabi rin na siya ay isang propeta na tulad ng mga propeta noong unang panahon.

16Pero nang mabalitaan ni Herodes ang mga sinabing iyon ng mga tao, sinabi niya, “Muling nabuhay si Juan na pinapugutan ko ng ulo!” 17Ipinahuli noon ni Herodes si Juan at ipinabilanggo, dahil tinutuligsa ni Juan ang relasyon niya kay Herodias. Si Herodias ay asawa ng kapatid ni Herodes na si Felipe. Pero kinuha siya ni Herodes bilang asawa. 18Laging sinasabihan ni Juan si Herodes na hindi tama na kunin niya ang asawa ng kanyang kapatid. 19Kaya nagkimkim ng galit si Herodias kay Juan, at gusto niya itong ipapatay. Pero hindi niya magawa, dahil ayaw pumayag ni Herodes. 20Takot si Herodes kay Juan dahil alam niyang matuwid at mabuting tao si Juan. Kaya ipinagtatanggol niya ito. Kahit nababagabag siya sa mga sinasabi ni Juan, gustong-gusto pa rin niyang makinig dito.

21Pero sa wakas ay dumating din ang pagkakataong hinihintay ni Herodias. Kaarawan noon ni Herodes at nagdaos siya ng malaking handaan. Inimbita niya ang mga opisyal ng Galilea, mga kumander ng mga sundalong Romano at iba pang mga kilalang tao roon. 22Nang oras na ng kasiyahan, pumasok ang anak na babae ni Herodias at nagsayaw. Labis na nasiyahan si Herodes at ang mga bisita niya. Kaya sinabi ni Herodes sa dalaga, “Humingi ka sa akin ng kahit anong gusto mo at ibibigay ko.” 23At sumumpa pa siya na ibibigay niya sa dalaga kahit ang kalahati pa ng kanyang kaharian. 24Lumabas muna ang dalaga at tinanong ang kanyang ina kung ano ang hihilingin niya. Sinabihan siya ng kanyang ina na hingin ang ulo ni Juan na tagapagbautismo. 25Kaya dali-daling bumalik ang dalaga sa hari at sinabi, “Gusto ko pong ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na tagapagbautismo, na nakalagay sa isang bandehado.” 26Labis itong ikinalungkot ng hari, pero dahil nangako siya sa harap ng mga bisita niya, hindi siya makatanggi sa dalaga. 27Kaya pinapunta niya agad sa bilangguan ang isang sundalo upang dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Pumunta ang sundalo sa bilangguan at pinugutan ng ulo si Juan, 28inilagay niya ang ulo sa bandehado at ibinigay sa dalaga. At ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. 29Nang mabalitaan ng mga tagasunod ni Juan ang nangyari, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.

Copyright information for TglASD