Mark 3:20-30
Si Jesus at si Satanas
(Mat. 12:22-32; Luc. 11:14-23; 12:10)
20Pag-uwi ni Jesus sa bahay na tinutuluyan niya, muling dumating ang napakaraming tao kaya siya at ang mga tagasunod niya ay hindi man lang nagkaroon ng panahon para kumain. 21Nang mabalitaan ng pamilya ni Jesus ang mga ginagawa niya, siyaʼy sinundo nila, dahil sinasabi ng mga tao na nasisiraan na siya ng bait.22May dumating namang mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem, at sinabi nila, “Sinasaniban siya ni Satanas ▼
▼Satanas: sa Griego, Beelzebul.
na pinuno ng masasamang espiritu. At ito ang nagbibigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu.” 23Kaya tinawag ni Jesus ang mga tao at nagsalita siya sa kanila sa pamamagitan ng paghahalintulad, “Magagawa ba ni Satanas na palayasin ang mga kampon niya? 24Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, babagsak ang kahariang iyon. 25Ganoon din ang mangyayari sa isang tahanang ang nakatira ay nag-aaway-away. 26Kaya kung si Satanas at ang mga kampon niya ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, babagsak din siya at hindi na makakabangon pa. 27“Hindi maaaring pasukin ng magnanakaw ang bahay ng malakas na tao kung hindi niya muna ito gagapusin. Ngunit kapag naigapos na niya, maaari na niyang nakawan ang bahay nito. ▼
▼Ang ibig sabihin ni Jesus, nilupig na niya si Satanas at kaya na niyang palayasin ang mga sakop nito.
28“Sinasabi ko sa inyo ang totoo, lahat ng kasalanan, at anumang paglalapastangan sa Dios ay maaaring mapatawad. 29Ngunit ang sinumang lumapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi talaga mapapatawad. Ang ganitong kasalanan ay hindi mapapatawad magpakailanman.” 30Sinabi iyon ni Jesus dahil sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na siya ay may masamang espiritu.
Copyright information for
TglASD