‏ Mark 3:1-6

Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay

(Mat. 12:9-14; Luc. 6:6-11)

1Muling pumasok si Jesus sa sambahan ng mga Judio. May isang lalaki roon na paralisado ang isang kamay. 2Araw ng Pamamahinga noon, kaya binantayang mabuti ng mga Pariseo si Jesus kung pagagalingin niya ang lalaking iyon, upang may maiparatang sila laban sa kanya. 3Sinabi ni Jesus sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa harapan.” 4Pagkatapos, tinanong niya ang mga Pariseo, “Alin ba ang ipinapahintulot ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga: ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” Pero hindi sila sumagot. 5Galit silang tiningnan ni Jesus, pero nalungkot din siya sa katigasan ng kanilang mga puso. Bumaling siya sa lalaki at sinabi, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at gumaling ito. 6Agad na umalis ang mga Pariseo at nakipagpulong sa mga tauhan ni Haring Herodes. Pinag-usapan nila kung paano nila ipapapatay si Jesus.

Copyright information for TglASD