Mark 16:1-10
Muling Nabuhay si Jesus
(Mat. 28:1-8; Luc. 24:1-12; Juan 20:1-10)
1Makalipas ang Araw ng Pamamahinga, sina Maria na taga-Magdala, Maria na ina ni Santiago, at Salome ay bumili ng pabango upang ipahid sa bangkay ni Jesus. 2Nang araw ng Linggo, kasisikat pa lang ng araw ay pumunta na sila sa libingan. 3Habang naglalakad sila, nagtatanungan sila kung sino ang mapapakiusapan nilang magpagulong ng bato na nakatakip sa pintuan ng libingan, 4dahil napakalaki ng batong iyon. Pero pagdating nila roon, nakita nilang naigulong na sa tabi ang bato. 5Kaya pumasok sila sa libingan, at nakita nila roon ang isang kabataang lalaking nakasuot ng puti na nakaupo sa gawing kanan. Takot na takot sila. 6Pero sinabi ng lalaki sa kanila, “Huwag kayong matakot! Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Wala na siya rito. Nabuhay siyang muli! Tingnan ninyo ang pinaglagyan ng bangkay niya.” 7Pagkatapos, sinabi ng lalaki sa kanila, “Lumakad na kayo, sabihin ninyo sa mga tagasunod niya, lalo na kay Pedro, na mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita gaya ng sinabi niya.” 8Kaya lumabas sa libingan ang mga babae at tumakbo dahil sa matinding takot. Wala silang pinagsabihan, dahil takot na takot sila.9[Maagang-maaga pa nang araw ng Linggo nang nabuhay si Jesus. Una siyang nagpakita kay Maria na taga-Magdala. (Siya ang babaeng may pitong masasamang espiritu na pinalayas ni Jesus.) 10Pinuntahan ni Maria ang mga tagasunod ni Jesus na nagluluksa at umiiyak, at ibinalita ang mga pangyayari.
Copyright information for
TglASD