‏ Mark 15:6-15

Hinatulan si Jesus ng Kamatayan

(Mat. 27:15-26; Luc. 23:13-25; Juan 18:39–19:16)

6Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, nakaugalian na ni Pilato na magpalaya ng isang bilanggo na gustong palayain ng mga tao. 7May isang bilanggo roon na ang pangalan ay Barabas. Nabilanggo siya dahil kabilang siya sa mga nakapatay noong naghimagsik sila laban sa pamahalaan. 8Marami ang lumapit kay Pilato at hiniling na gawin muli ang nakaugaliang pagpapalaya ng bilanggo. 9Kaya tinanong sila ni Pilato, “Gusto ba ninyo na palayain ko ang Hari ng mga Judio?” 10Alam ni Pilato na pagkainggit ang nagtulak sa mga namamahalang pari na dalhin sa kanya si Jesus. 11Sinulsulan ng mga namamahalang pari ang mga tao na si Barabas ang hilinging palayain at hindi si Jesus. 12Nagtanong ulit si Pilato sa mga tao, “Ano ngayon ang gagawin ko sa taong tinatawag nʼyong Hari ng mga Judio?” 13Sumigaw sila, “Ipako siya sa krus!” 14Sinabi ni Pilato sa kanila, “Bakit, ano ba ang ginawa niyang kasalanan?” Pero lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” 15Dahil gustong pagbigyan ni Pilato ang mga tao, pinalaya niya si Barabas. Ipinahagupit naman niya si Jesus at saka ibinigay sa mga sundalo upang ipako sa krus.

Copyright information for TglASD