‏ Mark 15:33-41

Ang Pagkamatay ni Jesus

(Mat. 27:45-56; Luc. 23:44-49; Juan 19:28-30)

33Nang mag-alas dose na ng tanghali, dumilim ang buong lupain sa loob ng tatlong oras. 34Nang mag-alas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas, “Eloi, Eloi, lema sabachtani?” na ang ibig sabihin ay “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?”
Salmo 22:1.
35Nang marinig iyon ng mga nakatayo roon, sinabi nila, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias.” 36Tumakbo agad ang isang tao at kumuha ng espongha at isinawsaw sa maasim na alak. Ikinabit niya ito sa dulo ng isang patpat at idinampi sa bibig ni Jesus para sipsipin niya. Sinabi ng taong iyon, “Tingnan natin kung darating nga si Elias upang ibaba siya sa krus.” 37Sumigaw nang malakas si Jesus at nalagutan ng hininga.

38Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng templo. 39Nakatayo sa harap ng krus ang kapitan ng mga sundalo at nakita niya kung paanong nalagutan ng hininga si Jesus. Sinabi niya, “Totoo ngang siya ang Anak ng Dios!” 40Sa di-kalayuan ay may mga babaeng nanonood sa mga nangyayari. Kabilang sa kanila si Salome, si Maria na taga-Magdala, at si Maria na ina ni Jose at ng nakababata nitong kapatid na si Santiago. 41Ang mga babaeng ito ay sumasama kay Jesus at tumutulong sa kanya noong nasa Galilea siya. Naroon din ang iba pang babaeng sumama sa kanya sa Jerusalem.

Copyright information for TglASD