‏ Mark 15:21-32

Ipinako sa Krus si Jesus

(Mat. 27:32-44; Luc. 23:26-43; Juan 19:17-27)

21 Habang naglalakad sila, nasalubong nila ang isang tao na galing sa bukid. Siyaʼy si Simon na taga-Cyrene, na ama ni Alexander at ni Rufus. Sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 22Pagkatapos, dinala nila si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgota, na ang ibig sabihin ay “lugar ng bungo.” 23Pagdating nila roon, binigyan nila si Jesus ng alak na may halong mira,
mira: Maaaring itoʼy panlunas sa sakit at hapdi.
pero hindi niya ito ininom.
24Ipinako nila sa krus si Jesus at pinaghati-hatian nila ang mga damit niya sa pamamagitan ng palabunutan para malaman nila ang bahaging mapupunta sa bawat isa. 25Alas nuwebe noon ng umaga nang ipako siya sa krus. 26May karatula sa itaas ng krus, at ganito ang nakasulat na paratang laban sa kanya: “Ang Hari ng mga Judio.” 27May dalawa ring tulisan na ipinako sa krus kasabay ni Jesus, isa sa kanan niya at isa sa kaliwa. 28[Sa pangyayaring ito, natupad ang sinasabi ng Kasulatan, “Napabilang siya sa mga kriminal.”]

29Ininsulto si Jesus ng mga taong napapadaan doon. Napapailing sila at sabay sabi, “O ano ngayon? Hindi baʼt sinasabi mong gigibain mo ang templo at muli mong itatayo sa loob ng tatlong araw? 30Bumaba ka sa krus at iligtas mo ang iyong sarili!” 31Ganito rin ang pangungutya ng mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Sinasabi nila sa isaʼt isa, “Iniligtas niya ang iba, pero hindi niya mailigtas ang kanyang sarili! 32Tingnan nga natin kung makakababa sa krus ang Cristong ito na hari raw ng Israel! Kapag nakababa siya, maniniwala na tayo sa kanya.” Maging ang mga ipinakong kasabay niya ay nang-insulto rin sa kanya.

Copyright information for TglASD