‏ Mark 14:55-64

55Doon sa loob, ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio ay nagsisikap na makakuha ng mga ebidensya laban kay Jesus upang mahatulan siya ng kamatayan. Pero wala silang makuha. 56Marami ang sumasaksi ng kasinungalingan laban kay Jesus, pero magkakasalungat naman ang mga sinasabi nila.

57May ilang sumasaksi ng kasinungalingang ito laban kay Jesus. Sinabi nila, 58“Narinig po naming sinabi niya, ‘Gigibain ko ang templong ito na gawa ng tao, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng ibang templo na hindi gawa ng tao!’ ” 59Pero hindi rin magkakatugma ang sinasabi nila.

60Tumayo sa gitna ang punong pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang maisasagot sa mga paratang na ito laban sa iyo?” 61Hindi sumagot si Jesus. Kaya tinanong siyang muli ng punong pari, “Ikaw ba ang Cristo na Anak ng Kapuri-puring Dios?” 62Sumagot si Jesus, “Ako nga, at ako na Anak ng Tao ay makikita ninyong nakaupo sa kanan ng makapangyarihang Dios. At makikita rin ninyo ako sa mga ulap na paparating dito sa mundo.” 63Nang marinig ito ng punong pari, pinunit niya ang kanyang damit sa galit at sinabi, “Hindi na natin kailangan ng mga saksi! 64Narinig ninyo ang paglapastangan niya sa Dios. Ano ngayon ang hatol ninyo?” At hinatulan nila si Jesus ng kamatayan.

Copyright information for TglASD