Mark 13:3-13
Mga Paghihirap at Pag-uusig na Darating
(Mat. 24:3-14; Luc. 21:7-19)
3Habang nakaupo si Jesus sa isang lugar sa Bundok ng mga Olibo na nakaharap sa templo, tinanong siya nang sarilinan nina Pedro, Santiago, Juan at Andres, 4“Sabihin ninyo sa amin kung kailan mangyayari ang sinabi ninyo? At ano ang mga palatandaan kung malapit nang mangyari ang lahat ng ito?”5Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo at huwag palilinlang kaninuman. 6Sapagkat marami ang darating at magsasabi na sila ang Cristo, ▼
▼at magsasabi na sila ang Cristo: sa literal, sa pangalan ko na nagsasabi, “Ako nga.”
at marami ang ililigaw nila. 7Kapag nakarinig kayo ng mga digmaan malapit sa inyo, at nakabalitang may digmaan din sa malayo, huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga iyan, ngunit hindi pa ito ang katapusan. 8Sapagkat magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. Lilindol sa ibaʼt ibang lugar at magkakaroon ng taggutom. Ang mga itoʼy pasimula pa lang ng mga paghihirap na darating. 9“Mag-ingat kayo dahil dadakpin kayo at dadalhin sa hukuman, at hahagupitin kayo sa sambahan ng mga Judio. Iimbestigahan kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Magiging pagkakataon nʼyo ito upang magpatotoo sa kanila tungkol sa akin. 10Dapat munang maipangaral ang Magandang Balita sa lahat ng bansa, bago dumating ang katapusan. 11Kapag dinakip kayo at iniharap sa hukuman, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo. Bastaʼt sabihin ninyo ang ipinapasabi ng Banal na Espiritu sa oras na iyon. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ninyo. 12Sa panahong iyon, may mga taong ipagkakanulo ang kanilang kapatid para patayin. Ganoon din ang mga ama sa kanilang mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga magulang. 13Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ay maliligtas.”
Copyright information for
TglASD