‏ Mark 10:1-12

Ang Turo ni Jesus tungkol sa Paghihiwalay

(Mat. 19:1-12; Luc. 16:18)

1Umalis si Jesus sa Capernaum at pumunta sa lalawigan ng Judea, at saka tumawid sa Ilog ng Jordan. Pinuntahan siya roon ng maraming tao, at tulad ng dati ay nangaral siya sa kanila.

2Samantala, may mga Pariseong pumunta sa kanya upang hanapan siya ng butas. Kaya nagtanong sila, “Pinahihintulutan ba ng Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” 3Tinanong din sila ni Jesus, “Ano ba ang iniutos sa inyo ni Moises?” 4Sumagot ang mga Pariseo, “Ipinahintulot ni Moises na maaaring gumawa ang lalaki ng kasulatan ng paghihiwalay, at pagkatapos ay pwede na niyang hiwalayan ang kanyang asawa.”
Deu. 24:1.
5Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ibinigay ni Moises sa inyo ang kautusang iyan dahil sa katigasan ng ulo ninyo. 6Ngunit sa simula pa, nang likhain ng Dios ang mundo, ‘ginawa niya ang tao na lalaki at babae.’
Gen. 1:27; 5:2.
7‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa. 8At silang dalawa ay magiging isa.’
Gen. 2:24.
Hindi na sila dalawa kundi isa na lang.
9Kaya hindi dapat paghiwalayin ng tao ang pinagsama ng Dios.”

10Pagbalik nila sa bahay, tinanong siya ng mga tagasunod niya tungkol dito. 11Sinabi niya sa kanila, “Kung hiwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba, nangangalunya siya at nagkasala sa una niyang asawa. 12At kung hiwalayan ng isang babae ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba ay nagkasala rin ng pangangalunya.”

Copyright information for TglASD