Luke 8:26-39
Pinagaling ni Jesus ang Taong Sinaniban ng Masamang Espiritu
(Mat. 8:28-34; Mar. 5:1-20)
26Nagpatuloy sila sa paglalayag hanggang sa makarating sila sa lupain ng mga Geraseno ▼▼Geraseno: Sa ibang tekstong Griego, Gergeseno o, Gadareno. Ganito rin sa talatang 37.
na katapat ng Galilea. 27Pagkababa ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking taga-roon na sinasaniban ng masasamang espiritu. Matagal na itong walang suot na damit at ayaw tumira sa bahay kundi sa mga kwebang libingan. 28Nang makita niya si Jesus, sumigaw siya at lumuhod sa harapan ni Jesus. At sinabi niya nang malakas, “Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus na Anak ng Kataas-taasang Dios? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan!” 29Sinabi niya ito dahil inutusan ni Jesus na lumabas ang masamang espiritu sa kanya. Matagal na siyang sinasaniban nito. At kahit tinatalian siya ng kadena sa kamay at paa at binabantayan, nilalagot niya ang kadena, at pinapapunta siya ng demonyo sa ilang. 30Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sagot niya, “Kawan,” dahil maraming masamang espiritu ang pumasok sa kanya. 31Nagmakaawa ang masasamang espiritu kay Jesus na huwag silang papuntahin sa kailaliman at parusahan doon. 32Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa gilid ng burol. Nagmakaawa ang masasamang espiritu kay Jesus na payagan silang pumasok sa mga baboy, at pinayagan naman sila ni Jesus. 33Kaya lumabas ang masasamang espiritu sa lalaki at pumasok sa mga baboy. Nagtakbuhan ang mga baboy pababa ng burol, nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod. 34Nang makita iyon ng mga tagapag-alaga ng mga baboy, tumakbo sila patungo sa bayan at sa mga karatig nayon at ipinamalita ang nangyari. 35Kaya pumunta roon ang mga tao para tingnan ang nangyari. Pagdating nila kay Jesus, nakita nila ang taong sinaniban dati ng masasamang espiritu na nakaupo sa paanan ni Jesus, nakadamit at matino na ang pag-iisip. At natakot ang mga tao. 36Ikinuwento sa kanila ng mga nakakita kung paano gumaling ang lalaking sinaniban ng masasamang espiritu. 37Nakiusap ang lahat ng Geraseno ▼
▼Geraseno: Tingnan ang footnote sa talatang 26.
kay Jesus na umalis sa kanilang bayan dahil takot na takot sila. Kaya muling sumakay si Jesus sa bangka upang bumalik sa pinanggalingan niya. 38Nakiusap sa kanya ang lalaking gumaling na isama siya. Pero hindi pumayag si Jesus. Sinabi niya, 39“Umuwi ka na sa inyo at sabihin mo sa kanila ang ginawa sa iyo ng Dios.” Umuwi nga ang lalaki at ipinamalita sa buong bayan ang ginawa sa kanya ni Jesus.
Copyright information for
TglASD