Luke 5:1-11
Ang Pagtawag ni Jesus sa Kanyang mga Unang Tagasunod
(Mat. 4:18-22; Mar. 1:16-20)
1Isang araw, nakatayo si Jesus sa baybayin ng Lawa ng Genesaret, at nagsisiksikan sa kanya ang napakaraming tao upang makinig ng salita ng Dios. 2May nakita si Jesus na dalawang bangka sa baybayin. Nagbabaan na sa bangka ang mga mangingisda at naghuhugas na ng mga lambat nila. 3Sumakay siya sa isang bangka at nakiusap kay Simon na may-ari ng bangka, na itulak iyon nang kaunti sa tubig. Naupo si Jesus sa bangka at nagturo sa mga tao.4Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat ninyo, at makakahuli kayo ng isda.” 5Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nangisda pero wala kaming nahuli. Pero dahil sinabi ninyo, ihuhulog ko ulit ang lambat.” 6Kaya pumalaot sila at inihulog ang lambat. At napakaraming isda ang nahuli nila hanggang sa halos masira na ang kanilang lambat. 7Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasama na nasa isa pang bangka para magpatulong. Tinulungan sila ng mga ito at napuno nila ng isda ang dalawang bangka, hanggang sa halos lumubog na sila. 8Nang makita iyon ni Simon Pedro, lumuhod siya sa paanan ni Jesus at sinabi, “Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, dahil makasalanan ako.” 9Ganito ang naging reaksiyon niya, dahil labis siyang namangha, pati na ang mga kasamahan niya, sa dami ng nahuli nila. 10Namangha rin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedee, na mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayon, hindi na isda ang huhulihin mo kundi mga tao na upang madala sila sa Dios.” 11Nang maitabi na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.
Copyright information for
TglASD