Luke 4:1-13
Ang Pagtukso kay Jesus
(Mat. 4:1-11; Mar. 1:12-13)
1Umalis si Jesus sa Jordan na puspos ng Banal na Espiritu. At dinala siya ng Espiritu sa ilang. 2Doon ay tinukso siya ng diyablo sa loob ng 40 araw. Hindi siya kumain sa buong panahong iyon, kaya gutom na gutom siya. 3Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, gawin mong tinapay ang batong ito.” 4Pero sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Hindi lang sa pagkain nabubuhay ang tao.’ ” ▼▼Deu. 8:3.
5Dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na lugar, at sa isang iglap ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian ng mundo. 6At sinabi ng diyablo kay Jesus, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihan at karangyaan ng mga kahariang ito, dahil ipinagkatiwala sa akin ang mga iyan at maibibigay ko sa kanino mang gusto ko. 7Kaya kung sasambahin mo ako, mapapasaiyo ang lahat ng iyan.” 8Pero sumagot si Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Dios at siya lang ang dapat mong paglingkuran.’ ” ▼
▼Deu. 6:13.
9Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, sa pinakamataas na bahagi ng templo, at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, magpatihulog ka. 10Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Uutusan ng Dios ang kanyang mga anghel na ingatan ka. 11Aalalayan ka nila upang hindi tumama ang mga paa mo sa bato.’ ” ▼
▼Salmo 91:11-12.
12Pero sumagot si Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Dios.’ ” ▼▼Deu. 6:16.
13Matapos siyang tuksuhin ng diyablo sa lahat ng paraan, iniwan siya nito at naghintay ng ibang pagkakataon.
Copyright information for
TglASD