‏ Luke 24:36-49

Nagpakita si Jesus sa mga Tagasunod Niya

(Mat. 28:16-20; Mar. 16:14-18; Juan 20:19-23; Mga Gawa 1:6-8)

36Habang pinag-uusapan nila ito, nagpakita si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila, at binati sila, “Sumainyo ang kapayapaan!” 37Pero nagulat sila at natakot dahil akala nila ay multo ang nakita nila. 38Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit kayo natatakot? At bakit kayo nag-aalinlangan? 39Ako talaga ito. Tingnan ninyo ang mga bakas ng mga pako sa mga kamay at paa ko. Hawakan ninyo ako at pagmasdan. Hindi ako multo. Ang multo ay walang laman at buto pero ako ay mayroon.” 40[Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa.] 41Sa kagalakan nila at pagkamangha, halos hindi pa rin sila makapaniwala. Kaya tinanong sila ni Jesus, “Mayroon ba kayong pagkain dito?” 42Binigyan nila si Jesus ng isang hiwa ng inihaw na isda. 43Kinuha niya iyon at kinain sa harap nila.

44Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Sinabi ko na sa inyo noong magkasama pa tayo na kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa mga isinulat ng mga propeta at sa mga Salmo.” 45At binuksan ni Jesus ang isip nila upang maunawaan nila ang Kasulatan. 46Sinabi niya sa kanila, “Ayon sa Kasulatan, kailangang magtiis ng hirap at mamatay ang Cristo ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw. 47At dapat ipangaral sa buong mundo, mula sa Jerusalem, na sa pamamagitan niyaʼy patatawarin ng Dios ang nagsisisi sa kanilang mga kasalanan. 48Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. 49Isusugo ko sa inyo ang Banal na Espiritung ipinangako ng Ama, kaya manatili muna kayo rito sa Jerusalem hanggang sa dumating sa inyo ang kapangyarihan mula sa langit.”

Copyright information for TglASD