‏ Luke 22:47-53

Ang Pagdakip kay Jesus

(Mat. 26:47-56; Mar. 14:43-50; Juan 18:3-11)

47Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang maraming tao. Si Judas na isa sa 12 tagasunod ang nangunguna sa kanila. Nilapitan niya si Jesus at hinalikan. 48Sinabi ni Jesus sa kanya, “Judas, tinatraydor mo ba ako, na Anak ng Tao, sa pamamagitan ng isang halik?” 49Nang makita ng mga kasamahan ni Jesus ang mga nangyayari, sinabi nila, “Panginoon, tatagain na ba namin sila?” 50At tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng punong pari, at naputol ang kanang tainga nito. 51Pero sinaway sila ni Jesus, “Tama na iyan!” Hinipo niya ang tainga ng alipin at pinagaling ito.

52Pagkatapos, kinausap ni Jesus ang mga namamahalang pari, mga opisyal ng mga guwardya sa templo at ang mga pinuno ng mga Judio na naroon upang dakpin siya, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo upang dakpin ako? 53Araw-araw akong nasa templo, at naroon din kayo. Bakit hindi nʼyo ako dinakip? Ngunit ito na ang pagkakataong ibinigay sa inyo upang dakpin ako. At sa sandaling ito ay naghahari ang kadiliman.”

Copyright information for TglASD