‏ Luke 18:18-30

Ang Lalaking Mayaman

(Mat. 19:16-30; Mar. 10:17-31)

18Isang pinuno ng mga Judio ang nagtanong kay Jesus, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 19Sumagot si Jesus, “Bakit mo sinasabing mabuti ako? Ang Dios lang ang mabuti, wala nang iba! 20Alam mo ang sinasabi ng Kautusan: ‘Huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, at igalang mo ang iyong ama at ina.’ ”
Exo. 20:12-16; Deu. 5:16-20.
21Sumagot ang lalaki, “Sinusunod ko po ang lahat ng iyan mula pagkabata.” 22Nang marinig iyon ni Jesus ay sinabi niya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng ari-arian mo at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” 23Nalungkot ang lalaki nang marinig ito, dahil napakayaman niya.

24Nang makita ni Jesus na malungkot siya, sinabi niya, “Napakahirap para sa mayayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios. 25Mas madali pang makapasok ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.” 26Tinanong siya ng mga nakarinig nito, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?” 27Sumagot si Jesus, “Ang imposible sa tao ay posible sa Dios.” 28Sinabi ni Pedro, “Paano naman kami? Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa inyo.” 29Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang nag-iwan ng bahay, asawa, mga kapatid, mga magulang, at mga anak alang-alang sa kaharian ng Dios 30ay tatanggap sa panahong ito ng mas marami pa kaysa sa mga iniwan niya, at tatanggap din ng buhay na walang hanggan sa darating na panahon.”

Copyright information for TglASD