‏ Joshua 15:13-19

Ang Lupaing Ibinigay kay Caleb

(Hukom 1:11-15)

13Inutos ng Panginoon kay Josue na ibigay niya ang isang bahagi ng lupain ng lahi ni Juda kay Caleb na anak ni Jefune. Ang lupaing ito ay ang Kiriat Arba, na siyang Hebron. (Si Arba ang ama ni Anak.) 14Pinalayas ni Caleb sa lupaing iyon ang tatlong lahi ni Anak: ang mga sambahayan nina Sheshai, Ahiman at Talmai. 15Mula roon nilusob niya ang mga nakatira sa Debir (na noon ay tinatawag na Kiriat Sefer). 16Sinabi ni Caleb, “Ibibigay ko bilang asawa ang anak kong si Acsa sa lalaking makakaagaw ng Kiriat Sefer.” 17Si Otniel na anak ni Kenaz na kapatid ni Caleb ang nakaagaw ng lungsod. Kaya sa kanya ibinigay ni Caleb ang anak niyang si Acsa para maging asawa. 18Nang ikinasal na sila, hinikayat ni Acsa ang asawa niya na humingi sila ng dagdag na lupain sa ama nito. Pagkatapos, pumunta si Acsa kay Caleb, at nang makababa na siya sa kanyang asno, tinanong siya ni Caleb kung ano ang kailangan niya. 19Sumagot si Acsa, “Hihingi po sana ako ng pabor sa inyo, gusto ko po sanang bigyan nʼyo ako ng lupaing may mga bukal dahil ang lupaing ibinigay nʼyo sa akin sa Negev ay walang bukal.” Kaya ibinigay sa kanya ni Caleb ang lugar na may mga bukal sa itaas at sa ibaba ng Negev.

Copyright information for TglASD