John 2:13-22
Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa Templo
(Mat. 21:12-13; Mar. 11:15-17; Luc. 19:45-46)
13Malapit na noon ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Paglampas ng Anghel, ▼▼Pista ng Paglampas ng Anghel: sa Ingles, “Passover.” Tingnan sa Exo. 12:1-30 kung paano nagsimula ang pistang ito.
kaya pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14Nakita niya roon sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, tupa at mga kalapati. Nakita rin niya ang mga nagpapalit ng pera ng mga dayuhan sa kanilang mga mesa. 15Kaya gumawa siya ng panghagupit na lubid, at itinaboy niya palabas ng templo ang mga baka at tupa. Ikinalat niya ang mga pera ng mga nagpapalit at itinaob ang mga mesa nila. 16Sinabi ni Jesus sa mga nagtitinda ng mga kalapati, “Alisin ninyo ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” 17Naalala ng mga tagasunod niya ang nakasulat sa Kasulatan: “Mapapahamak ako dahil sa pagmamalasakit ko sa bahay ninyo.” ▼▼Salmo 69:9.
18Dahil sa ginawa niyang ito, tinanong siya ng mga pinuno ng mga Judio, “Anong himala ang maipapakita mo sa amin upang mapatunayan mong may karapatan kang gawin ito?” 19Sinagot sila ni Jesus, “Gibain ninyo ang templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay itatayo kong muli.” 20Sinabi naman nila, “Ginawa ang templong ito ng 46 na taon at itatayo mo sa loob lang ng tatlong araw?” 21Pero hindi nila naintindihan na ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang katawan. 22Kaya nang nabuhay siyang muli, naalala ng mga tagasunod niya ang sinabi niyang ito. At naniwala sila sa pahayag ng Kasulatan at sa mga sinabi ni Jesus tungkol sa kanyang muling pagkabuhay.
Copyright information for
TglASD