John 18:12-18
Dinala si Jesus kay Anas
12Dinakip si Jesus ng mga Romanong sundalo sa pangunguna ng kanilang kapitan, kasama ng mga guwardyang Judio. Siyaʼy iginapos nila at 13dinala muna kay Anas na biyenan ni Caifas. Si Caifas ang punong pari nang taon na iyon, 14at siya ang nagpayo sa mga pinuno ng mga Judio na mabuting mamatay ang isang tao kaysa sa mapahamak ang buong bansa.Ipinagkaila ni Pedro na Kilala Niya si Jesus
(Mat. 26:69-70; Mar. 14:66-68; Luc. 22:55-57)
15Si Simon Pedro at ang isa pang tagasunod ay sumunod kay Jesus. At dahil kilala ng punong pari ang tagasunod na ito, nakapasok siyang kasama ni Jesus sa bakuran ng punong pari. 16Naiwan namang nakatayo si Pedro sa labas ng pintuan. Lumabas muli ang tagasunod na kilala ng punong pari at nakiusap sa babaeng nagbabantay sa pinto, kaya pinapasok si Pedro. 17Sinabi ng babae kay Pedro, “Hindi baʼt isa ka sa mga tagasunod ng taong iyan?” Sumagot si Pedro, “Hindi!”18Maginaw noon, kaya nagsiga ang mga alipin at mga guwardya, at tumayo sila sa paligid nito para magpainit. Nakihalo si Pedro sa kanila at nagpainit din.
Copyright information for
TglASD