‏ John 13:21-30

Inihayag ni Jesus na May Magtatraydor sa Kanya

(Mat. 26:20-25; Mar. 14:17-21; Luc. 22:21-23)

21Pagkasabi nito ni Jesus, labis siyang nabagabag. Sinabi niya, “Ang totoo, tatraydurin ako ng isa sa inyo.” 22Nagtinginan ang mga tagasunod niya na naguguluhan kung sino ang tinutukoy niya. 23Nakasandal kay Jesus ang tagasunod na minamahal niya. 24Kaya sinenyasan siya ni Simon Pedro na tanungin si Jesus kung sino ang tinutukoy nito. 25Kaya habang nakasandal siya kay Jesus, nagtanong siya, “Panginoon, sino po ang tinutukoy ninyo?” 26Sumagot si Jesus, “Kung sino ang bibigyan ko ng tinapay na isinawsaw ko, siya iyon.” Kaya kumuha si Jesus ng tinapay at matapos isawsaw ay ibinigay kay Judas na anak ni Simon Iscariote. 27Nang matanggap ni Judas ang tinapay, pumasok sa kanya si Satanas. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Gawin mo na agad ang gagawin mo.” 28Hindi naintindihan ng mga kasalo sa hapunan kung bakit sinabi iyon ni Jesus. 29Ang akala ng iba, inutusan lang ni Jesus si Judas na bumili ng mga kakailanganin sa pista o kayaʼy magbigay ng limos sa mga mahihirap, dahil siya ang tagapag-ingat ng pera nila. 30Pagkakain ni Judas ng tinapay, agad siyang umalis. Gabi na noon.

Copyright information for TglASD