John 12:1-8
Binuhusan ng Pabango si Jesus
(Mat. 26:6-13; Mar. 14:3-9)
1Anim na araw bago dumating ang Pista ng Paglampas ng Anghel, pumunta si Jesus sa Betania, kung saan nakatira si Lazarus na muli niyang binuhay. 2Kaya naghanda sila roon ng hapunan para kay Jesus. Si Lazarus ay isa sa kasalo ni Jesus sa pagkain. Si Marta ang nagsilbi sa kanila. 3Kumuha si Maria ng kalahating litro ng purong pabango na gawa sa halamang nardo na mamahaling pabango. Ibinuhos niya ito sa paa ni Jesus at pinunasan ng kanyang buhok. At humalimuyak ang pabango sa buong bahay. 4Ang isa sa mga tagasunod ni Jesus na naroon ay si Judas Iscariote na magtatraydor sa kanya. Sinabi ni Judas, 5“Isang taon na sweldo ang halaga ng pabangong iyan. Bakit hindi na lang iyan ipinagbili, at ibigay sa mahihirap ang pera?” 6Sinabi niya ito, hindi dahil nagmamalasakit siya sa mga mahihirap kundi dahil isa siyang magnanakaw. Bilang tagapag-ingat ng pera nila, madalas niya itong kinukupitan. 7Pero sinabi ni Jesus, “Hayaan mo siya. Ibinuhos niya ito sa katawan ko bilang paghahanda sa aking libing. ▼▼Ibinuhos … libing: o, Ipatago sa kanya ang natirang pabango para sa aking libing.
8Lagi nʼyong nakakasama ang mga mahihirap, pero akoʼy hindi nʼyo laging makakasama.”
Copyright information for
TglASD