John 11:45-53
Ang Plano ng mga Pinuno Laban kay Jesus
(Mat. 26:1-5; Mar. 14:1-2; Luc. 22:1-2)
45Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang sumampalataya nang makita nila ang ginawa ni Jesus. 46Pero ang iba sa kanila ay pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Jesus. 47Kaya ipinatawag ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio. At nang nagkatipon na sila, sinabi nila, “Ano ang gagawin natin? Maraming himala ang ginagawa ng taong ito. 48Kapag pinabayaan natin siya, maniniwala ang lahat ng tao sa kanya na siya ang hari ng Israel. Kapag nangyari iyan, lulusubin tayo ng mga hukbong Romano at wawasakin nila ang templo at ang ating bansa.” ▼▼wawasakin nila ang templo at ang ating bansa: o, kukunin nila sa atin ang karapatang mamuno sa templo at sa ating bansa.
49Pero isa sa kanila, si Caifas na punong pari nang taon na iyon, ang nagsabi, “Talagang wala kayong alam. 50Hindi nʼyo ba naisip na mas mabuting mamatay ang isang tao para sa sambayanan kaysa sa mapahamak ang buong bansa?” 51Ang sinabing ito ni Caifas ay hindi nanggaling sa sarili lang niya. Bilang punong pari ng taon na iyon, nagpahayag ang Dios sa pamamagitan niya na mamamatay si Jesus para sa buong bansa. 52At hindi lang para sa bansa nila, kundi para sa lahat ng mga anak ng Dios na nagsipangalat sa buong mundo, upang tipunin sila at pag-isahin. 53Mula noon, binalak na nilang ipapatay si Jesus.
Copyright information for
TglASD