‏ Exodus 39:32-43

Ang Pagsusuri ni Moises sa Natapos na Gawain

(Exo. 35:10-19)

32Natapos ang lahat ng gawain sa Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan. Ginawa ng mga Israelita ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 33Ipinakita nila kay Moises ang Toldang Sambahan at ang lahat ng kagamitan nito: ang mga kawit, balangkas, biga, haligi, pundasyon, 34ang pantaklob na gawa sa balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, ang pantaklob na gawa sa magandang klase ng balat, ang mga kurtina; 35ang Kahon ng Kasunduan, ang takip nito at pambuhat; 36ang mesa at ang lahat ng kagamitan nito, ang tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios; 37ang lalagyan ng ilaw na purong ginto at ang mga ilaw at kagamitan nito, ang langis para sa ilaw; 38ang altar na ginto, ang langis na pamahid, ang mabangong insenso, ang kurtina sa pintuan ng Tolda; 39ang altar na tanso at ang parilyang tanso, ang pambuhat at ang lahat ng kagamitan nito, ang planggana at ang patungan nito; 40ang mga kurtina sa palibot ng bakuran at ang mga haligi at pundasyon nito, ang kurtina sa pintuan ng bakuran, ang mga panali at mga tulos para sa kurtina ng bakuran, ang lahat ng kagamitan sa Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan; 41at ang banal na mga damit na isusuot ni Aaron at ng mga anak niya kapag naglilingkod na sila bilang mga pari sa Tolda.

42Ginawa ng mga Israelita ang lahat ng gawain ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. 43Tiningnan ni Moises ang trabaho nila, at nakita niya na ginawa nilang lahat iyon ayon sa iniutos ng Panginoon. Kaya binasbasan sila ni Moises.

Copyright information for TglASD