‏ Exodus 34:18-26

18“Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ayon sa iniutos ko sa inyo, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw. Gawin ninyo ito sa itinakdang panahon sa buwan ng Abib, dahil iyon ang buwan nang lumabas kayo ng Egipto.

19“Akin ang lahat ng panganay na lalaki, pati ang panganay na lalaki ng mga hayop ninyo. 20Maaaring matubos ang panganay na lalaki ng mga asno nʼyo sa pamamagitan ng pagpapalit dito ng tupa. Pero kung hindi ito tutubusin, kailangang patayin ang asno sa pamamagitan ng pagbali sa leeg nito. Maaari rin ninyong matubos ang mga panganay ninyong lalaki.

“Walang makakalapit sa akin na walang dalang mga handog.

21“Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo, kahit sa panahon ng pag-aararo at pag-ani.

22“Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Pag-aani kung mag-aani kayo ng mga unang ani ng trigo, at ipagdiwang din ninyo ang Pista ng Katapusan ng Pag-ani sa katapusan ng taon.

23“Tatlong beses sa isang taon, pupunta ang kalalakihan ninyo sa mga pistang ito sa pagsamba sa Panginoong Dios, ang Dios ng Israel. 24Itataboy ko ang mga mamamayan sa lupaing ibibigay ko sa inyo, at palalawakin ko ang teritoryo ninyo. At walang sasalakay o aagaw sa bansa ninyo sa panahong lumalapit kayo sa akin na Panginoon na inyong Dios.

25“Huwag kayong maghahandog ng dugo sa akin at kahit anong may pampaalsa. Huwag din kayong magtitira para sa susunod na araw ng karne ng tupa na handog ninyo sa panahon ng Pista ng Paglampas ng Anghel.

26“Dalhin ninyo sa templo ng Panginoon na inyong Dios ang pinakamagandang bahagi ng una ninyong ani.

“Huwag ninyong lulutuin ang batang kambing na hindi pa naaawat sa kanyang ina.”

Copyright information for TglASD