‏ Exodus 29:1-37

Ang Pagtatalaga kay Aaron at sa mga Anak Niyang Lalaki Bilang mga Pari

(Lev. 8:1-36)

1“Ito ang gagawin mo sa pag-ordina kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki para makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. Kumuha ka ng isang batang toro at dalawang lalaking tupa na walang kapintasan. 2Kumuha ka rin ng magandang klaseng harina at magluto ka ng tinapay na walang pampaalsa. Makapal na tinapay na hinaluan ng langis ang lutuin mo, at manipis na tinapay na pinahiran ng langis. 3Pagkatapos, ilagay mo ang mga tinapay sa basket at ihandog sa akin kasama ang batang toro at dalawang lalaking tupa.

4“Dadalhin mo sa may pintuan ng Toldang Tipanan si Aaron at ang mga anak niyang lalaki, at papaliguin mo sila. 5Pagkatapos, ipasuot mo kay Aaron ang damit-panloob, ang damit-panlabas, ang espesyal na damit,
espesyal na damit: sa Hebreo, “efod.”
at ang bulsa na nasa dibdib. Itali mo nang mabuti ang espesyal na damit gamit ang hinabing sinturon na maganda ang pagkakagawa.
6Ipasuot mo sa ulo niya ang turban, at ikabit sa harapan ng turban ang ginto na simbolo ng pagbubukod sa kanila ng Panginoon. 7Kunin mo rin ang langis at ibuhos ito sa ulo ni Aaron sa pagtatalaga sa kanya. 8Italaga rin ang mga anak niyang lalaki at pagsuotin sila ng damit-panloob, 9turban at sinturon at ordinahan din sila. Magiging pari sila habang buhay. Sa pamamagitan nito, ordinahan mo si Aaron at ang mga anak niya.

10“Dalhin mo ang batang toro sa harap ng Toldang Tipanan, at ipapatong ni Aaron at ng mga anak niya ang kamay nila sa ulo ng toro. 11Pagkatapos, katayin ang baka sa presensya ng Panginoon, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 12Kumuha ka ng dugo ng baka at ipahid mo ito sa parang sungay sa mga sulok ng altar, at ibuhos mo sa ilalim ng altar ang matitirang dugo. 13Pagkatapos, kunin mo ang lahat ng taba sa tiyan ng baka, ang maliit na bahagi ng atay, ang mga bato pati na ang mga taba nito, at sunugin ito sa altar. 14Pero sunugin mo ang laman, balat at bituka nito sa labas ng kampo bilang handog sa paglilinis.

15“Pagkatapos, kunin mo ang isa sa lalaking tupa at ipatong mo ang mga kamay ni Aaron at ng mga anak niya sa ulo ng tupa. 16Katayin ito, at iwisik ang dugo sa palibot ng altar. 17Hiwa-hiwain mo ang tupa at hugasan ang mga lamang loob at paa, ipunin mo ito pati ang ulo at ang iba pang parte ng hayop. 18Sunugin mo itong lahat sa altar bilang handog na sinusunog para sa akin. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa akin.

19“Pagkatapos, kunin mo ang isa pang lalaking tupa, at ipatong ang mga kamay ni Aaron at ng mga anak niya sa ulo ng tupa. 20Katayin ninyo ito at kumuha ka ng dugo, at ipahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ni Aaron at ng mga anak niya, at sa mga kanang hinlalaki ng kanilang kamay at paa. Pagkatapos, iwiwisik ang natirang dugo sa palibot ng altar. 21Kumuha ka ng kaunting dugo sa altar at ihalo ito sa langis na pamahid,
pamahid: o, pambuhos.
iwisik ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, at sa kanilang mga damit. Sa pamamagitan nito, maitatalaga si Aaron at ang mga anak niya, pati na ang mga damit nila.

22“Pagkatapos, kunin ninyo ang taba ng tupa, ang matabang buntot, at ang lahat ng taba sa lamang-loob, ang maliit na bahagi ng atay, ang mga bato pati ang taba nito, at ang kanang hita. Ito ang tupang handog para sa pagtatalaga sa mga pari. 23Kumuha ka sa basket ng mga tinapay na walang pampaalsa na ihahandog para sa akin: tinapay na hindi hinaluan ng langis, makapal na tinapay na hinaluan ng langis at manipis na tinapay. 24Ipahawak mo itong lahat kay Aaron at sa mga anak niya, at itataas nila ito sa akin bilang mga handog na itinataas. 25Kunin mo ito sa kanila at sunugin sa altar kasama ng mga handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa akin. 26Kunin mo rin ang dibdib ng tupa at itaas nʼyo ito sa akin bilang mga handog na itinataas. Ito ang parte mo sa tupang handog para sa pagtatalaga kay Aaron at ng mga anak niyang lalaki.

27“Ialay mo rin sa akin ang mga parte ng tupang inihandog para sa pagtatalaga kay Aaron at ng mga anak niya, kasama na rito ang dibdib at hitang itinaas mo sa akin. 28Sa tuwing maghahandog ang mga Israelita ng mga handog para sa mabuting relasyon, dapat ganito palagi ang mga parte ng mga hayop na mapupunta kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki.

29“Kapag namatay na si Aaron, ang banal na mga damit niya ay ibibigay sa mga anak niyang papalit sa kanya bilang punong pari, para ito ang isuot nila kapag ordinahan na sila. 30Ang mga angkan ni Aaron na papalit sa kanya bilang punong pari ang magsusuot ng mga damit na ito sa loob ng pitong araw kapag papasok siya sa Toldang Tipanan para maglingkod sa Banal na Lugar.

31“Kunin mo ang tupa na inialay sa pagtatalaga at lutuin ang karne nito sa isang banal na lugar. 32Kakainin ito ni Aaron at ng mga anak niya, kasama ang tinapay sa basket, doon sa pintuan ng Toldang Tipanan. 33Sila lang ang makakakain ng karneng ito at tinapay na inihandog para sa kapatawaran ng mga kasalanan nila nang inordinahan sila. Walang ibang maaaring kumain nito dahil banal ang pagkaing ito. 34Kung may matirang pagkain, sa kinaumagahan dapat itong sunugin. Hindi ito dapat kainin, dahil itoʼy banal.

35“Sundin mo ang iniuutos kong ito sa iyo tungkol sa pag-ordina kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. Gawin mo ang pag-ordina sa kanila sa loob ng pitong araw. 36Bawat araw, maghandog ka ng isang baka bilang handog sa paglilinis para maging malinis ang altar, at pagkatapos, pahiran mo ito ng langis para sa pagtatalaga nito. 37Gawin mo ito sa loob ng pitong araw; at magiging pinakabanal ang altar, at dapat banal din ang humahawak nito.

Copyright information for TglASD