Exodus 27:9-19
Ang Bakuran ng Toldang Sambahan
(Exo. 38:9-20)
9“Palagyan ng bakuran ang Toldang Sambahan, at palibutan ito ng kurtina na gawa sa pinong telang linen. Ang haba ng kurtina sa bandang timog ay 150 talampakan. 10Ikabit ang kurtina sa 20 haliging tanso na nakasuksok sa 20 pundasyong tanso. Ang pagkakabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa baras na pilak sa mga haligi. 11Ang kurtina sa bandang hilaga ay 150 talampakan din ang haba. Ikabit din ito sa 20 haliging tanso na nakasuksok sa 20 pundasyong tanso. Ang pagkakabitan ng mga kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi.12“Ang kurtina sa bandang kanluran ay may sukat na 75 talampakan ang haba at nakakabit ito sa sampung haligi na nakasuksok sa sampung pundasyon. 13Ang kurtina sa bandang silangan ay 75 talampakan ang haba. 14Ang pintuan ng bakuran ay nasa silangan, at may mga kurtina rin ito sa gilid. Ang kurtina sa kanan ay 22 at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring pundasyon. 15Ang kurtina sa kaliwa ay 22 at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit din ito sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring pundasyon.
16“Ang pintuan ng bakuran ay palagyan mo ng kurtina na 30 talampakan ang haba. Kailangang gawa ang kurtina mula sa pinong telang linen na may lanang kulay asul, ube at pula. Kailangang napakaganda ng pagkakaburda nito. Pagkatapos, isabit ang kurtina sa apat na haligi na nakasuksok sa apat na pundasyon. 17Kailangang may kawit at baras na pilak ang lahat ng haligi sa palibot ng bakuran, at kailangan ding may mga tansong pundasyon. 18Ang buong sukat ng bakuran ay 150 talampakan ang haba at 75 talampakan ang lapad. Napapalibutan ito ng kurtinang pinong telang linen, na pitoʼt kalahating talampakan ang taas. Ang mga haligi nito ay nakasuksok sa mga pundasyong tanso. 19Kailangang purong tanso ang lahat ng kagamitan sa Toldang Sambahan pati na ang lahat ng tulos ng Tolda at sa bakuran nito.
Copyright information for
TglASD