‏ Deuteronomy 7:11-24

Ang Gantimpala sa Katapatan

(Lev. 26:3-13; Deu. 28:1-14)

11“Kaya sundin ninyong mabuti ang mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo sa araw na ito. 12Kung tutuparin at susundin ninyong mabuti ang mga utos, tutuparin ng Panginoon na inyong Dios ang kanyang kasunduan na mamahalin
mamahalin: o, pagpapalain.
niya kayo, gaya ng ipinangako niya sa inyong mga ninuno.
13Mamahalin niya kayo, pagpapalain at padadamihin. Bibigyan niya kayo ng maraming anak at pagpapalain ang mga pananim sa inyong lupa: ang inyong mga trigo, bagong katas ng ubas at langis. At padadamihin niya ang inyong mga hayop doon sa lupaing ipinangako niyang ibibigay sa inyong mga ninuno at sa inyo. 14Pagpapalain niya kayo ng higit pa sa sinumang mga mamamayan sa mundo. Walang lalaki o babae sa inyo na magiging baog, ganoon din sa inyong mga hayop. 15Poprotektahan kayo ng Panginoon sa lahat ng karamdaman. Hindi niya kayo padadalhan ng nakapangingilabot na mga karamdaman na nakita ninyo sa Egipto, pero ipapadala niya ito sa lahat ng mga napopoot sa inyo. 16Dapat ninyong patayin ang lahat ng tao na ibinigay ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Huwag ninyo silang kaaawaan, at huwag kayong maglilingkod sa kanilang mga dios dahil magiging bitag ito para sa inyo.

17“Baka sabihin ninyo sa inyong mga sarili, ‘Mas makapangyarihan pa ang bansang ito kaysa sa atin. Paano ba natin sila maitataboy?’ 18Pero huwag kayong matatakot sa kanila, kundi alalahanin ninyong mabuti kung ano ang ginawa ng Panginoon na inyong Dios sa Faraon at sa lahat ng Egipcio. 19Nakita ninyo ang mga pagsubok, mga himala at kamangha-manghang bagay, at ang dakilang kapangyarihang ipinakita ng Panginoon na inyong Dios nang ilabas niya kayo. Katulad din nito ang gagawin ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng taong kinatatakutan ninyo. 20At ngayon, padadalhan sila ng Panginoon na inyong Dios ng mga putakti hanggang sa malipol kahit pa ang mga natitirang nagtatago. 21Huwag kayong matakot sa kanila dahil kasama ninyo ang Panginoon na inyong Dios; ang makapangyarihan at kamangha-manghang Dios. 22Unti-unting palalayasin ng Panginoon na inyong Dios sa inyong harapan ang mga bansang iyon. Huwag ninyo silang paalisin agad, dahil kung gagawin ninyo iyon, dadami ang mababangis na hayop. 23Pero ibibigay sila ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Magkakagulo sila hanggang sa malipol silang lahat. 24Ibibigay niya sa inyo ang kanilang mga hari. Papatayin ninyo sila, at hindi na sila maaalala pa. Wala ni isa man sa kanila na makakatalo sa inyo, at papatayin ninyo silang lahat.
Copyright information for TglASD