2 Samuel 7:18-29
Ang Panalangin ni David
(1 Cro. 17:16-27)
18Pagkatapos, pumasok si David sa tolda kung saan naroon ang Kahon ng Kasunduan. Umupo siya roon sa presensya ng Panginoon, at nanalangin, “O Panginoong Dios, sino po ako at ang pamilya ko at pinagpala nʼyo nang ganito? 19At ngayon, Panginoong Dios, bukod pa rito, may pangako pa kayo tungkol sa kinabukasan ng angkan ko. Ganito po ba talaga kayo makitungo sa tao? 20Ano pa po ba ang masasabi ko sa inyo, Panginoong Dios? Sapagkat nakikilala nʼyo kung sino talaga ako na inyong lingkod. 21Ayon sa pangako nʼyo at kalooban, ginawa nʼyo po ang mga dakilang bagay na ito at inihayag nʼyo sa akin na inyong lingkod.22“Panginoong Dios, dakila kayo. Wala po kayong katulad. Walang ibang Dios maliban sa inyo at wala rin kaming ibang alam na dios na gaya ninyo. 23At wala ring katulad ang inyong mga mamamayang Israelita. Ito lamang ang bansa sa mundo na inyong pinalaya mula sa pagkaalipin para maging mga mamamayan ninyo. Naging tanyag ang pangalan nʼyo dahil sa dakila at kamangha-manghang ginawa ninyo. Itinaboy nʼyo ang mga bansa at ang mga dios nila sa pamamagitan ng mga mamamayan nʼyo nang inilabas nʼyo sila sa Egipto. 24Itinatag nʼyo ang Israel bilang sarili nʼyong mga mamamayan magpakailanman, at kayo Panginoon, ang kanilang naging Dios.
25– 26“At ngayon, Panginoong Dios, tuparin po ninyo ang ipinangako nʼyo sa akin na inyong lingkod at sa angkan ko, para maging tanyag kayo magpakailanman. At sasabihin ng mga tao, ‘Ang Panginoong Makapangyarihan ang Dios ng Israel!’ At ang sambahayan ko ay patuloy na maglilingkod sa inyo magpakailanman. 27Panginoong Makapangyarihan, Dios ng Israel, malakas po ang loob ko na manalangin sa inyo nang ganito dahil ipinahayag nʼyo sa akin na inyong lingkod, na patuloy na manggagaling sa aking angkan ang magiging hari ng Israel. 28Panginoong Dios, tunay ngang kayo ang Dios! Ipinangako nʼyo sa akin na inyong lingkod ang mabubuting bagay na ito, at tapat kayo sa mga pangako ninyo. 29Nawa poʼy ikalugod nʼyo na pagpalain ang sambahayan ko para magpatuloy silang manahan sa inyong presensya magpakailanman, dahil ito po ang ipinangako nʼyo, Panginoong Dios. At sa pagpapala nʼyong ito, pinagpala ang aking angkan magpakailanman.”
Copyright information for
TglASD