2 Samuel 7:1-17
Ang Pangako ng Panginoon kay David
(1 Cro. 17:1-15)
1Nang manirahan si Haring David sa kanyang palasyo, binigyan ng kapayapaan ng Panginoon ang kaharian niya; hindi siya sinasalakay ng mga kalaban niya. 2Isang araw, sinabi ni David kay Propeta Natan, “Tingnan mo, nakatira ako sa magandang palasyo na gawa sa kahoy na sedro, pero ang Kahon ng Dios ay nasa tolda lang.” 3Sumagot si Natan sa hari, “Gawin mo ang gusto mong gawin dahil ang Panginoon ay sumasaiyo.” 4Pero nang gabi ring iyon, sinabi ng Panginoon kay Natan, 5“Lumakad ka, at sabihin mo sa lingkod kong si David na ito ang sinabi ko, ‘Ikaw ba ang magpapatayo ng templong titirhan ko? 6Hanggang ngayon hindi pa ako tumitira sa templo mula noong inilabas ko ang mga Israelita sa Egipto. Nagpalipat-lipat ako ng lugar na tolda lang ang pinananahanan ko. 7Sa paglipat-lipat ko kasama ang lahat ng mamamayan kong Israelita, hindi ako nagreklamo sa mga pinuno nila na inuutusan akong mag-alaga sa kanila. Ni hindi ako nagtanong kung bakit hindi nila ako ipinagpapatayo ng templo na gawa sa sedro.’8“Sabihin mo pa kay David na ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay nagsasabi, ‘Tagapagbantay ka noon ng mga tupa, pero pinili kita para mamuno sa mga mamamayan kong Israelita. 9Sinasamahan kita kahit saan ka magpunta, at nilipol ko ang lahat ng mga kalaban mo. Ngayon, gagawin kitang tanyag katulad ng ibang mga tanyag na tao sa mundo. 10Binigyan ko ng sariling lupain ang mga mamamayan kong Israelita, para may sarili silang tirahan at wala nang gagambala sa kanila. Hindi na sila aapihin ng masasamang tao gaya nang dati, 11mula nang maglagay ako ng mga pinuno sa mga mamamayan kong Israelita. Magiging payapa ang paghahari mo at wala ng kalaban na sasalakay sa iyo. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabi sa iyo na hindi mawawalan ng maghahari galing sa angkan mo. 12Kapag namatay ka at ilibing kasama ng mga ninuno mo, ipapalit ko sa iyo ang isa sa mga anak mo, at patatatagin ko ang kaharian niya. 13Siya ang magpapatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan, at titiyakin ko na ang kanyang angkan ang maghahari magpakailanman. 14Kikilalanin niya akong ama at kikilalanin ko siyang anak. Kung magkakasala siya, didisiplinahin ko siya gaya ng pagdidisiplina ng isang ama sa kanyang anak. 15Pero hindi magbabago ang pagmamahal ko sa kanya hindi gaya ng ginawa ko kay Saul na pinalitan mo bilang hari. 16Magpapatuloy ang paghahari mo magpakailanman, ganoon din ang paghahari ng iyong angkan.’ ” 17Isinalaysay ni Natan kay David ang lahat ng ipinahayag ng Dios sa kanya.
Copyright information for
TglASD