2 Samuel 5:1-10
Naging Hari si David ng Israel
(1 Cro. 11:1-9)
1Ang lahat ng lahi ng Israel ay pumunta kay David sa Hebron at sinabi, “Kadugo nʼyo po kami. 2Mula pa noong una, kahit si Saul pa ang hari namin, kayo na ang namumuno sa mga Israelita sa kanilang mga pakikipaglaban. At sinabi sa inyo ng Panginoon, ‘Ikaw ang gagabay sa mga mamamayan kong Israelita gaya ng paggabay ng isang pastol sa mga tupa niya. Ikaw ang magiging pinuno nila.’ ”3Kaya roon sa Hebron, gumawa ng kasunduan si David sa mga tagapamahala ng Israel sa presensya ng Panginoon. At pinahiran nila ng langis ang ulo ni David bilang pagkilala na siya na ang hari ng Israel. 4Si David ay 30 taong gulang nang maging hari ng Israel, at naghari siya sa loob ng 40 taon. 5Naghari siya sa Juda sa loob ng pitong taon at anim na buwan habang nakatira siya sa Hebron, at 33 taon ang paghahari niya sa buong Israel at Juda habang nakatira siya sa Jerusalem.
Sinakop ni David ang Jerusalem
6Isang araw, pumunta si David at ang mga tauhan niya sa Jerusalem para salakayin ang mga Jebuseo na nakatira roon. Sinabi ng mga Jebuseo kay David, “Hindi kayo makakapasok dito sa Jerusalem! Kahit mga bulag at pilay ay kaya kayong pigilan para hindi kayo makapasok.” Sinabi nila ito dahil iniisip nilang hindi makakapasok sina David. 7Pero nasakop ni David at ng mga tauhan niya ang matatag na kampo ng Zion, na tinatawag ngayong Lungsod ni David.8Nang hindi pa napapasok ni David ang Jerusalem, sinabi niya sa mga tauhan niya, “Doon kayo dumaan sa daanan ng tubig para makapasok kayo sa Jerusalem at talunin nʼyo ang mga ‘bulag at pilay’ na mga Jebuseo. Kinamumuhian ko sila!” Diyan nagsimula ang kasabihang “Hindi makakapasok ang mga bulag at pilay sa bahay ng Panginoon.”
9Matapos sakupin ni David ang matatag na kampo ng Zion, doon na siya tumira at tinawag niya itong Lungsod ni David. Pinadagdagan niya ito ng pader sa palibot mula sa mababang bahagi ng lungsod. 10Lalong nagiging makapangyarihan si David dahil tinutulungan siya ng Panginoong Dios na Makapangyarihan.
Copyright information for
TglASD