2 Kings 24:8-17
Ang Paghahari ni Jehoyakin sa Juda
(2 Cro. 36:9-10)
8Si Jehoyakin ay 18 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng tatlong buwan. Ang ina niya ay si Nehusta na taga-Jerusalem at anak ni Elnatan. 9Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng ama niyang si Jehoyakim.10Nang panahon ng paghahari niya, ang mga opisyal ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay lumusob sa Jerusalem at pinalibutan ito. 11Pumunta si Nebucadnezar sa Jerusalem habang pinalilibutan ng kanyang mga tauhan ang buong lungsod. 12At sumuko sa kanya si Haring Jehoyakin kasama ang kanyang ina, mga lingkod, mga tanyag na tao at mga opisyal.
Nang ikawalong taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, binihag niya si Jehoyakin. 13Ayon sa sinabi noon ng Panginoon, kinuha ni Nebucadnezar ang lahat ng kayamanan sa templo ng Panginoon at sa palasyo, at ang lahat ng gintong kagamitan na ipinagawa ni Haring Solomon ng Israel para sa templo ng Panginoon. 14At binihag niya ang 10,000 naninirahan sa Jerusalem, kasama ang lahat ng opisyal, pinakamahuhusay na sundalo, lahat ng mahuhusay na manggagawa at mga panday. Ang pinakamahihirap na tao lang ang natira.
15Binihag ni Nebucadnezar si Jehoyakin sa Babilonia, pati ang kanyang ina, mga asawa, mga opisyal at ang mga tanyag na tao sa Juda. 16Binihag din ni Nebucadnezar ang 7,000 pinakamatatapang na sundalo, 1,000 mahuhusay na manggagawa at mga panday na mga sundalo rin. 17Ang ipinalit niya bilang hari ay si Matania na tiyuhin ni Jehoyakin. At pinalitan niya ang pangalan ni Matania na Zedekia.
Copyright information for
TglASD