‏ 2 Kings 19:8-19

Muling Nagbanta ang Asiria

(Isa. 37:8-20)

8Nang marinig ng kumander na umalis na sa Lakish ang hari ng Asiria at kasalukuyang nakikipaglaban sa Libna, pumunta siya roon. 9Nang makatanggap ng balita si Haring Senakerib ng Asiria na lulusubin sila ni Haring Tirhaka ng Etiopia,
Etiopia: sa Hebreo, Cush.
nagsugo siya ng mga mensahero kay Hezekia para sabihin ito:
10“Huwag kang magpaloko sa inaasahan mong Dios kapag sinabi niya, ‘Hindi ipapaubaya ang Jerusalem sa kamay ng hari ng Asiria.’ 11Makinig ka! Narinig mo kung ano ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa halos lahat ng bansa. Nilipol sila nang lubusan. Sa palagay mo ba makakaligtas ka? 12Nailigtas ba ang mga bansang ito ng dios nila? Ang mga lungsod ng Gozan, Haran, Reshef at ang mga mamamayan ng Eden na nasa Tel Asar ay nilipol ng mga ninuno ko. 13May nagawa ba ang hari ng Hamat, Arpad, Sefarvaim, Hena at Iva?”

Ang Panalangin ni Haring Hezekia

14Nang makuha ni Hezekia ang sulat mula sa mensahero, binasa niya ito. Pumunta siya sa templo ng Panginoon at inilapag ang sulat sa presensya ng Panginoon. 15Pagkatapos, nanalangin siya, “Panginoon, Dios ng Israel na nakaupo sa trono sa pagitan ng mga kerubin, kayo lang po ang Dios na namamahala sa lahat ng kaharian dito sa mundo. Nilikha ninyo ang kalangitan at ang mundo. 16Panginoon, pakinggan nʼyo po at tingnan ang mga nangyayari. O Dios na buhay, narinig nʼyo ang mga sinabi ni Senakerib na lumapastangan sa inyo. 17Panginoon, totoo po na nilipol ng mga hari ng Asiria ang maraming bansa. 18Winasak nila ang mga dios-diosan nila sa pamamagitan ng pagtapon ng mga ito sa apoy. Dahil hindi po ito mga totoong dios kundi mga bato at kahoy lang na ginawa ng tao. 19Kaya, Panginoon naming Dios, iligtas po ninyo kami sa kamay ng Asiria, para malaman ng lahat ng kaharian dito sa mundo na kayo lang, Panginoon, ang Dios.”

Copyright information for TglASD