2 Kings 14:1-20
Ang Paghahari ni Amazia sa Juda
(2 Cro. 25:1-28)
1Naging hari ng Juda ang anak ni Joash na si Amazia nang ikalawang taon ng paghahari ng anak ni Jehoahaz na si Jehoash sa Israel. 2Si Amazia ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng 29 na taon. Ang ina niya ay si Jehoadin na taga-Jerusalem. 3Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, pero hindi kapantay ng ginawa ni David na ninuno niya. Sinunod niya ang ama niyang si Joash. 4Hindi rin niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar, kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng insenso roon.5Nang matatag na ang paghahari ni Amazia, ipinapatay niya ang mga opisyal na pumatay sa kanyang amang hari. 6Pero hindi niya ipinapatay ang mga anak nila, dahil ayon sa nasusulat sa Aklat ng Kautusan ni Moises, sinabi ng Panginoon, “Huwag papatayin ang mga magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak, at ang mga anak ay hindi rin dapat patayin dahil sa kasalanan ng kanilang mga magulang. Ang taong nagkasala lamang ang dapat managot sa kanyang mga kasalanan.”
7Si Amazia ang nakapatay ng 10,000 taga-Edom sa Lambak ng Asin. Nasakop niya ang Sela at pinalitan niya ang pangalan nito ng Jokteel, at hanggang sa kasalukuyan ito pa rin ang tawag sa lugar.
8Isang araw, nagsugo si Amazia ng mga mensahero kay Haring Jehoash ng Israel, na anak ni Jehoahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya si Jehoash at sinabi, “Makipaglaban ka sa akin.” 9Pero sinagot siya ni Haring Jehoash sa pamamagitan ng kwentong ito: “Doon sa Lebanon ay may halamang may tinik na nagpadala ng mensahe sa puno ng sedro: ‘Ipakasal mo ang anak mong babae sa anak kong lalaki.’ Pero may dumaang hayop mula sa gubat at tinapak-tapakan ang halamang may tinik. 10Amazia, totoong natalo mo ang Edom at ipinagyayabang mo ito. Magdiwang ka at huwag ka na lang makipaglaban sa amin. Manatili ka na lang sa iyong lugar. Bakit gusto mo ng gulo na magdadala lang ng kapahamakan sa iyo at sa Juda?”
11Pero hindi nakinig si Amazia, kaya nilusob siya ni Haring Jehoash at ng mga sundalo nito. Naglaban sila sa Bet Shemesh na sakop ng Juda. 12Natalo ng Israel ang Juda, at ang bawat sundalo ng Juda ay tumakas pauwi sa kanilang bahay. 13Nadakip ni Haring Jehoash si Haring Amazia roon sa Bet Shemesh, at dinala niya siya sa Jerusalem. Pagkatapos, giniba ni Jehoash ang mga pader ng Jerusalem mula sa Pintuan ng Efraim hanggang sa Sulok na Pintuan, na mga 600 talampakan ang haba. 14Kinuha niya ang lahat ng ginto, pilak at kagamitan na nakita niya sa templo ng Panginoon at kabang-yaman ng palasyo. Nagdala rin siya ng mga bihag pagbalik niya sa Samaria.
15Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoash, at lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay, pati ang pakikipaglaban kay Haring Amazia ng Juda ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 16Nang mamatay si Jehoash, inilibing siya sa libingan ng mga hari ng Israel sa Samaria. At ang anak niyang si Jeroboam II ang pumalit sa kanya bilang hari.
17Nabuhay pa si Haring Amazia ng Juda ng 15 taon matapos mamatay si Haring Jehoash ng Israel. 18Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Amazia ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
19May mga taga-Jerusalem na nagplanong patayin si Amazia. Kaya tumakas siya papunta sa bayan ng Lakish, pero nagpadala sila ng tao para sundan siya roon at patayin. 20Ikinarga sa kabayo ang bangkay niya pabalik sa Jerusalem at inilibing sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David.
Copyright information for
TglASD