‏ 2 Chronicles 35:20-27

Ang Pagkamatay ni Josia

(2 Hari 23:28-30)

20Pagkatapos ng mga ginawa ni Josia para sa templo, pinangunahan ni Haring Neco ng Egipto ang kanyang mga sundalo sa pakikipaglaban doon sa Carkemish, sa may Ilog ng Eufrates. Pumunta roon si Josia at ang kanyang mga sundalo para makipaglaban kay Neco. 21Pero nagsugo si Neco ng mga mensahero kay Josia at sinabi, “Ano ang pakialam mo, Haring Josia? Hindi ikaw ang nilulusob ko kundi ang bansang nakikipaglaban sa akin. At sinabi ng Dios sa akin na bilisan ko ang paglusob. Kasama ko ang Dios, kaya huwag mo akong kalabanin, dahil baka wasakin ka niya.”

22Ngunit hindi nagbago ng isip si Josia. Ipinasya niyang lumaban. Hindi siya naniwala sa sinabi ng Dios sa pamamagitan ni Neco. Sa halip, nagbalat-kayo siya at umalis para labanan si Neco sa kapatagan ng Megido. 23Pinana si Josia at nasugatan siya. Sinabi niya sa kanyang mga opisyal, “Ilayo nʼyo ako rito, dahil malubha ang sugat ko.” 24Kaya kinuha nila siya sa kanyang karwahe at dinala sa Jerusalem. Namatay siya roon at inilibing sa libingan ng mga ninuno niya. Nagluksa para sa kanya ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem. 25Gumawa si Jeremias ng mga awit ng pagluluksa para kay Josia, at hanggang ngayon inaawit ito ng mga mang-aawit sa pag-alaala sa kanya. Ang mga awit ng pagluluksa ay palaging inaawit sa Israel, at nakasulat sa Aklat ng mga Pagluluksa. 26 27Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Josia, mula sa simula hanggang sa wakas ay nakasulat sa kasulatan ng kasaysayan ng mga hari ng Israel at Juda. Nakasulat din dito ang tungkol sa pagmamahal ni Josia sa Panginoon na ipinakita niya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ng Panginoon.

‏ 2 Chronicles 36:1

Ang Paghahari ni Jehoahaz sa Juda

(2 Hari 23:30-35)

1Ang anak ni Josia na si Jehoahaz ang ipinalit ng mga tao na hari sa Jerusalem.
Copyright information for TglASD