‏ 2 Chronicles 18:28-34

Namatay si Ahab

(1 Hari 22:29-35)

28Kaya lumusob sa Ramot Gilead si Haring Ahab ng Israel at si Haring Jehoshafat ng Juda. 29Sinabi ni Ahab kay Jehoshafat, “Sa panahon ng labanan, hindi ako magpapakilala na ako ang hari, pero ikaw ang siyang magsusuot ng damit panghari.” Kaya nagkunwari ang hari ng Israel, at nakipaglaban sila.

30Samantala, nag-utos ang hari ng Aram sa kumander ng kanyang mga mangangarwahe, “Huwag ninyong lusubin ang kahit sino, kundi ang hari lang ng Israel.” 31Pagkakita ng mga kumander ng mga mangangarwahe kay Jehoshafat, inisip nila na siya ang hari ng Israel, kaya nilusob nila ito. Pero humingi ng tulong sa Panginoon si Jehoshafat, at tinulungan siya at inilayo sa mga kalaban niya. 32Nang mapansin ng mga kumander ng mga mangangarwahe na hindi pala siya ang hari ng Israel, huminto sila sa paghabol sa kanya.

33Pero habang namamana ang isang sundalong Arameo sa mga sundalo ng Israel, natamaan niya ang hari ng Israel sa pagitan ng kanyang panangga sa dibdib. Sinabi ni Haring Ahab sa nagdadala ng kanyang karwahe, “Ilayo mo ako sa labanan! Dahil nasugatan ako.” 34Matindi ang labanan nang araw na iyon, at ang hari ng Israel ay nakasandal lang sa kanyang karwahe na nakaharap sa mga Arameo hanggang hapon. At nang lumubog na ang araw, siyaʼy namatay.

Copyright information for TglASD