‏ 2 Chronicles 1:1-13

Humingi si Solomon ng Karunungan

(1 Hari 3:1-15)

1Naging matatag ang paghahari ni Solomon na anak ni David sa kaharian niya dahil kasama niya ang Panginoon na kanyang Dios, at siyaʼy ginawa niyang makapangyarihan. 2Nakipag-usap si Solomon sa lahat ng mga Israelita – sa mga kumander ng mga libu-libo at daan-daang mga sundalo, sa mga hukom, sa lahat ng pinuno ng Israel, at sa mga pinuno ng mga pamilya. 3Pagkatapos, umalis si Solomon at ang lahat ng tao papuntang sambahan sa matataas na lugar
sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
sa Gibeon, dahil naroon ang Toldang Tipanan ng Dios. Ang toldang ito ay ang ipinagawa ni Moises na lingkod ng Panginoon sa disyerto.
4Nang panahong iyon, nailipat na ni David ang Kahon ng Kasunduan ng Dios mula sa Kiriat Jearim papunta sa toldang inihanda niya para rito, doon sa Jerusalem. 5Ngunit ang tansong altar na ginawa ni Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur ay naroon pa sa Gibeon sa harap ng Tolda ng Panginoon. Kaya doon nagtipon si Solomon at ang lahat ng tao para magtanong sa Panginoon. 6Pagkatapos, umakyat si Solomon sa tansong altar sa presensya ng Panginoon sa Toldang Tipanan, at naghandog siya ng 1,000 handog na sinusunog.

7Nang gabing iyon, nagpakita ang Dios kay Solomon at sinabi sa kanya, “Humingi ka ng kahit ano at ibibigay ko ito sa iyo” 8Sumagot si Solomon, “Pinakitaan nʼyo po ng malaking kabutihan ang ama kong si David. At ngayon, ipinalit nʼyo ako sa kanya bilang hari. 9Kaya ngayon, Panginoong Dios, tuparin nʼyo po ang pangako nʼyo sa aking amang si David, dahil ginawa nʼyo po akong hari ng mga taong kasindami ng buhangin. 10Bigyan nʼyo po ako ng karunungan at kaalaman para mapamahalaan ko ang mga taong ito. Dahil sino po ba ang may kakayahang mamahala sa mga mamamayan ninyo na napakarami?”

11Sinabi ng Dios kay Solomon, “Dahil humingi ka ng karunungan at kaalaman sa pamamahala ng aking mga mamamayan na kung saan ginawa kitang hari at hindi ka humingi ng kayamanan, o karangalan, o kamatayan ng iyong mga kalaban, o mahabang buhay, 12ibibigay ko sa iyo ang iyong hinihingi. At hindi lang iyan, bibigyan din kita ng mga kayamanan at karangalan na hindi pa nakamtan ng sinumang hari noon at sa darating na panahon.”

13Pagkatapos, umalis si Solomon sa Toldang Tipanan doon sa sambahan sa matataas na lugar na nasa Gibeon, at bumalik sa Jerusalem. At naghari siya sa Israel.

Copyright information for TglASD