1 Kings 8:1-9
Dinala sa Templo ang Kahon ng Kasunduan
(2 Cro. 5:2–6:2)
1Ipinatawag ni Haring Solomon sa Jerusalem ang mga tagapamahala ng Israel at ang lahat ng pinuno ng mga lahi at mga pamilya sa Israel para kunin ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon mula sa Zion, ang Lungsod ni David. 2Pumunta silang lahat kay Haring Solomon noong panahon ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol, noong buwan ng Etanim, na siyang ikapitong buwan. 3– 4Nang magkatipon na ang lahat ng tagapamahala ng Israel, kinuha ng mga pari at ng mga Levita ▼▼mga Levita: Sila ang mga katulong ng mga pari sa templo.
ang Kahon ng Panginoon, pati ang Toldang Tipanan at ang mga banal na gamit nito at dinala nila ang lahat ng ito sa templo. 5Naghandog si Haring Solomon at ang buong mamamayan ng Israel sa harapan ng Kahon ng Kasunduan. Napakaraming tupa at baka ang kanilang inihandog, hindi ito mabilang dahil sa dami. 6Pagkatapos, dinala ng mga pari ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon sa lugar nito roon sa pinakaloob ng templo, sa Pinakabanal na Lugar, sa ilalim ng pakpak ng mga kerubin. 7Nakalukob ang pakpak ng mga kerubin, kaya natatakpan nito ang Kahon at ang mga hawakang pasanan nito. 8Itong mga hawakang pasanan ay mahaba, ang dulo nito ay kita sa Banal na Lugar, sa harapan ng pinakaloob ng templo, pero hindi ito makita sa labas ng Banal na Lugar. At naroon pa ito hanggang ngayon. 9Walang ibang laman ang Kahon maliban sa dalawang malalapad na bato na inilagay ni Moises noong nandoon siya sa Horeb, kung saan gumawa ng kasunduan ang Panginoon sa mga Israelita pagkatapos nilang lumabas sa Egipto.
Copyright information for
TglASD