‏ 1 Kings 7:23-51

23Pagkatapos, gumawa si Huram ng malaking lalagyan ng tubig na parang kawa, na tinatawag na Dagat. Ang lalim nito ay pitoʼt kalahating talampakan, ang luwang ay 15 talampakan at ang sukat sa paligid ay 45 talampakan. 24Napapalibutan ito ng dalawang hilerang palamuti sa ilalim ng bibig nito. Ang bilog-bilog na palamuting ito ay nakapalibot – anim bawat isang talampakan. Kasama na itong ginawa nang gawin ang sisidlan. 25Nakapatong ang sisidlan sa likod ng 12 tansong toro na magkakatalikod. Ang tatlong toro ay nakaharap sa gawing hilaga, ang tatlo ay sa kanluran, ang tatlo ay sa timog, at ang tatlo naman ay sa gawing silangan. 26Ang kapal ng sisidlan ay mga tatlong pulgada at ang ilalim nito ay parang bibig ng tasa na nakakurba palabas katulad ng namumukadkad na bulaklak ng liryo. At maaari itong malagyan ng mga 11,000 galong tubig.

27Gumawa rin si Huram ng sampung tansong kariton na gagamitin sa paghakot ng tubig. Ang haba ng bawat isa ay anim na talampakan, ang luwang ay anim ding talampakan at ang taas ay apat at kalahating talampakan. 28Ganito ang pagkagawa ng mga kariton: Ang mga dingding nito ay may mga kwadro 29at napapalamutian ng mga larawan ng leon, mga baka at mga kerubin. Ang ibabaw at ang ilalim ng mga kwadro ay may magkakatulad na palamuti na parang mga bulaklak. 30 31Ang bawat kariton ay may apat na tansong gulong at mga tansong ehe. Sa bawat sulok ng mga kariton ay may tukod na humahawak sa pabilog na patungan ng tansong planggana. Ang mga tukod ay napapalamutian ng parang mga bulaklak na kabit-kabit. Ang pabilog na patungan ay nakaangat ng isaʼt kalahating talampakan sa ibabaw ng kariton, at ang luwang ng bunganga ay dalawang talampakan at tatlong pulgada. Ang paligid ng ilalim ay may mga inukit na palamuti. Ang dingding ng kariton ay kwadrado, hindi pabilog. 32Sa ilalim ng mga kwadradong dingding ay may apat na gulong na nakakabit sa mga ehe, na kasama ng ginawa nang gawin ang kariton. Ang taas ng bawat gulong ay dalawang talampakan at tatlong pulgada 33at katulad ito ng gulong ng karwahe. Ang mga ehe, tubo, rayos at tapalodo ng gulong ay gawa lahat sa tanso. 34Ang bawat kariton ay may apat na hawakan – isa sa bawat gilid, at naiporma na ito kasama ng kariton. 35Sa ibabaw ng bawat kariton ay may pabilog na leeg na may siyam na pulgada ang taas. Ang mga tukod nito at ang dingding ay naiporma na din kasama ng kariton. 36Napapalamutian ang dingding at mga tukod ng mga larawan ng kerubin, leon at puno ng palma, kahit saan na may lugar para sa mga ito. At may palamuti rin ito na parang mga bulaklak na kabit-kabit sa paligid. 37Ganito ang pagkakagawa ni Huram ng sampung kariton. Magkakatulad lahat ang kanilang laki at hugis, sapagkat iisa lang ang pinaghulmahan nilang lahat.

38Nagpagawa rin si Huram ng sampung tansong planggana – isa para sa bawat kariton. Ang luwang ng bawat planggana ay anim na talampakan at maaaring lagyan ng 220 galong tubig. 39Inilagay niya ang limang kariton sa bandang timog ng templo at ang lima namaʼy sa bandang hilaga. Inilagay niya ang lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat sa pagitan ng gawing silangan at gawing timog ng templo. 40Nagpagawa rin siya ng mga palayok, mga pala at mga mangkok na ginagamit sa pangwisik.

Natapos ni Huram ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Haring Solomon para sa templo ng Panginoon. Ito ang kanyang mga ginawa:

41ang dalawang haligi;
ang dalawang parang mangkok na ulo ng mga haligi;
ang dalawang magkadugtong na mga kadenang palamuti sa ulo ng mga haligi;
42ang 400 palamuti na ang hugis ay parang prutas na pomegranata (nakakabit ang dalawang hilera nito sa bawat magkadugtong na mga kadenang nakapaikot sa ulo ng mga haligi);
43ang sampung kariton at ang sampung planggana nito;
44ang lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat at ang 12 tansong toro sa ilalim nito;
45ang mga palayok, mga pala at mga mangkok na ginagamit sa pangwisik.
Ang lahat ng ito na ipinagawa ni Haring Solomon kay Huram na para sa templo ng Panginoon ay gawa lahat sa pinakinang na tanso.
46Ipinagawa ang mga ito ni Haring Solomon sa pamamagitan ng hulmahan na nasa kapatagan ng Jordan, sa pagitan ng Sucot at Zaretan. 47Napakarami ng mga bagay na ito, kaya hindi na ito ipinakilo ni Solomon; hindi alam kung ilang kilo ang mga tansong ito.

48Nagpagawa rin si Solomon ng mga kagamitang ito para sa templo ng Panginoon:

ang gintong altar;
ang mga gintong mesa na pinaglalagyan ng tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios;
49ang mga patungan ng ilaw na purong ginto na nakatayo sa harap ng Pinakabanal na Lugar (lima sa bandang kanan at lima sa kaliwa);
ang mga gintong bulaklak, mga ilaw at mga pang-sipit;
50ang mga baso na purong ginto, mga panggupit ng mitsa ng ilaw, mga mangkok na ginagamit sa pangwisik, mga sandok at mga lalagyan ng insenso;
ang mga gintong bisagra para sa mga pintuan ng Pinakabanal na Lugar at gitnang bahagi ng templo.
51Nang matapos na ni Solomon ang lahat ng gawain para sa templo ng Panginoon, dinala niya sa bodega ng templo ang lahat ng bagay na itinalaga ng ama niyang si David pati na ang ginto, pilak at iba pang kagamitan.

Copyright information for TglASD