1 Kings 10:14-29
Ang Kayamanan ni Solomon
(2 Cro. 9:13-28)
14Taun-taon tumatanggap si Solomon ng 23 toneladang ginto, 15bukod pa rito ang mga buwis na galing sa mga negosyante, sa lahat ng hari ng Arabia at sa mga gobernador ng Israel.16Nagpagawa si Haring Solomon ng 200 malalaking pananggalang na ang bawat isa ay nababalutan ng mga pitong ▼
▼pitong: o, tatloʼt kalahating.
kilong ginto. 17Nagpagawa rin siya ng 300 maliliit na pananggalang na ang bawat isa ay nababalutan din ng ginto na mga tatlo at kalahating kilo. Pinalagay niya ang lahat ng ito sa bahagi ng palasyo na tinatawag na Kagubatan ng Lebanon. 18Nagpagawa rin ang hari ng isang malaking trono na gawa sa mga pangil ng elepante at binalutan ito ng purong ginto. 19May anim na baitang ang tronong ito at pabilog ang sandalan. Sa magkabilang gilid nito na may patungan ng braso ay may estatwang leon na nakatayo. 20Mayroon ding estatwang leon sa bawat gilid ng baitang. Ang estatwang leon sa anim na baitang ay 12 lahat. Walang trono na katulad nito kahit saan mang kaharian. 21Ang lahat ng kopang inuman ni Haring Solomon ay purong ginto at ang lahat ng gamit sa bahagi ng palasyo na tinatawag na Kagubatan ng Lebanon ay purong ginto rin. Hindi ginawa ang mga ito sa pilak dahil maliit lang ang halaga nito nang panahon ni Solomon. 22Si Solomon ay may mga barko rin na pangkalakal ▼
▼mga barko rin na pangkalakal: sa Hebreo, mga barko ng Tarshish.
na naglalayag kasama ng mga barko ni Hiram. Ang mga barkong itoʼy umuuwi isang beses sa tatlong taon, na may dalang mga ginto, pilak, pangil ng elepante at malalakiʼt maliliit na uri ng unggoy. 23Walang sinumang hari sa mundo na makakapantay sa karunungan at kayamanan ni Haring Solomon. 24Ang mga tao sa mundo ay naghahangad na makita si Solomon para mapakinggan ang karunungan na ibinigay ng Dios sa kanya. 25Taun-taon, ang bawat dumadalaw sa kanya ay may dalang mga regalo – mga bagay na gawa sa pilak at ginto, mga damit, mga sandata, mga sangkap, mga kabayo at mga mola. ▼▼mola: sa Ingles, “mule.” Hayop na parang kabayo.
26Nakapagtipon si Solomon ng 14,000 mga karwahe at 12,000 kabayo. Inilagay niya ang iba nito sa mga lungsod na taguan ng kanyang mga karwahe, at ang ibaʼy doon sa Jerusalem. 27Nang panahong siya ang hari, ang pilak sa Jerusalem ay tulad lang ng mga pangkaraniwang bato, at ang kahoy na sedro ay parang kasindami ng mga pangkaraniwang puno ng sikomoro sa mga kaburulan sa kanluran. ▼
▼kaburulan sa kanluran: sa literal, Shefela.
28Ang mga kabayo ni Solomon ay galing pa sa Egipto ▼▼Egipto: o, Muzur, na isang lugar na malapit sa Cilicia.
at sa Cilicia. ▼▼Cilicia: sa Hebreo, Kue. Maaaring isang pangalan ng Cilicia.
Binili ito sa Cilicia ng kanyang mga tagabili sa tamang halaga. 29Nang panahong iyon, ang halaga ng karwahe na mula sa Egipto ay 600 pirasong pilak at ang kabayo ay 150 pirasong pilak. Ipinagbili rin nila ito sa lahat ng hari ng mga Heteo at mga Arameo. ▼▼Arameo: o, Sirianita.
Copyright information for
TglASD