1 Kings 10:1-13
Dumalaw ang Reyna ng Sheba kay Haring Solomon
(2 Cro. 9:1-12)
1Nang marinig ng reyna ng Sheba ang pagiging tanyag ni Solomon, na nakapagbigay ng karangalan sa Panginoon, pumunta siya kay Solomon para subukin ang karunungan nito sa pamamagitan ng mahihirap na tanong. 2Dumating siya sa Jerusalem na kasama ang marami niyang tauhan, at may dala siyang mga kamelyo na kargado ng mga regalo na mga pampalasa, napakaraming ginto at mamahaling mga bato. Nang makita niya si Solomon, itinanong niya rito ang lahat ng gusto niyang itanong. 3Sinagot ni Solomon ang lahat ng tanong niya at walang anumang bagay ang hindi niya naipaliwanag sa kanya. 4Nang mapatunayan ng reyna ng Sheba ang karunungan ni Solomon at nang makita niya ang ganda ng palasyo na ipinatayo nito, 5hindi siya makapaniwala. Ganoon din nang makita niya ang pagkain sa mesa ng hari, ang pamamahala ng kanyang mga opisyal, ang paglilingkod ng mga utusan na may magagandang uniporme, ang mga tagasilbi ng kanyang inumin at ang mga handog na sinusunog na inialay nito sa templo ng Panginoon.6Sinabi niya sa hari, “Totoo nga ang nabalitaan ko sa aking bansa tungkol sa inyong mga gawa at karunungan. 7Hindi ako naniwala hanggang sa pumunta ako rito at nakita ko mismo. Ang totoo, wala sa kalahati ng nabalitaan ko tungkol sa inyo ang nakita ko. Ang karunungan at kayamanan nʼyo ay higit pa kaysa sa narinig ko. 8Napakapalad ng inyong mga tauhan! Napakapalad ng inyong mga opisyal na naglilingkod sa inyo dahil palagi nilang naririnig ang inyong karunungan. 9Purihin ang Panginoon na iyong Dios, na natutuwa sa inyo at naglagay sa inyo sa trono ng Israel. Dahil sa walang katapusang pag-ibig ng Panginoon sa Israel, ginawa niya kayong hari para mamuno kayo nang may katarungan at katuwiran.”
10Binigyan niya ang hari ng limang toneladang ginto, maraming sangkap at mga mamahaling bato. Hindi na mapapantayan ang dami ng sangkap na ibinigay ng reyna ng Sheba kay Haring Solomon.
11(May dala ring mga ginto ang mga barko ni Hiram, maraming kahoy na almug at mga mamahaling bato mula sa Ofir para kay Haring Solomon. 12Ang mga kahoy na almug ay ginamit ng hari upang gawing hagdan para sa templo ng Panginoon at sa palasyo, at ang iba ay ginawang mga alpa at mga lira para sa mga musikero. Iyon ang pinakamagandang kahoy na almug na ipinadala sa Israel; wala nang makikita na kagaya nito hanggang sa ngayon. ▼
▼Iyon ang … sa ngayon: o, Wala nang hihigit pa sa dami ng kahoy na almug na dinala roon sa Israel; wala na ring makikitang kasindami noon ngayon.
) 13Ibinigay ni Haring Solomon sa reyna ng Sheba ang anumang hingin niya, bukod pa sa mga regalo na ibinigay ni Solomon sa kanya. Pagkatapos, umuwi na ang reyna kasama ang mga tauhan niya.
Copyright information for
TglASD